MULING nagpaalala sa publiko ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa bago nitong panuntunan ukol sa qualifying contributions ng employed members sa pampubliko at pribadong sektor at individually paying members bago makapag-avail ng benepisyo simula Oktubre ngayong taon.
Ayon sa bagong patakaran, dapat ay may sufficient regularity sa pagbabayad ang miyembro kung saan bukod sa kasalukuyang umiiral na patakarang ‘three paid months within six months prior to the first day of confinement’ ay dapat bayad na rin ang sinundan nitong anim na buwan para makagamit ng benepisyo; at lahat ng ito ay dapat nasa loob ng 12-month period bago ang unang araw ng confinement.
Sa madaling salita, sinabi ng PhilHealth na dapat ay bayad ng hindi bababa sa siyam (9) na buwan ang miyembro sa loob ng 12 buwan bago ang unang araw ng confinement ng pasyente, kung saan kabilang ang buwan ng confinement sa pinag-uusapang 12-month period.
Halimbawa, kung ang confinement ng pasyente ay pumatak ng Disyembre 2018, dapat ay bayad siya ng hindi bababa sa siyam na buwan sa pagitan ng Enero at Disyembre ng taong 2018.
Ito ay batay sa PhilHealth Circular No. 2017-0021 kung saan itinakda na “…to establish sufficient regularity of payment, members should have paid six (6) months contributions preceding the three (3) months qualifying contributions within the twelve (12)-month period prior to the first day of confinement…”.
Inilabas ang nasabing Circular bilang pagtupad sa Board Resolution No. 2097, s-2016 na nagbigay-linaw sa sufficient regularity requirement na itinatadhana ng Republic Act 7875, as amended bilang isa sa tatlong requirement bago maka-avail ng benepisyo ang isang miyembro.
Ang dalawa pang requirement, ayon sa batas, ay dapat bayad ang miyembro ng tatlong buwan sa loob ng anim na buwan bago ang unang araw ng availment; at wala siyang anumang legal penalties.
Ipinagpaliban ng PhilHealth ang pagpapatupad nito noong Enero upang bigyan ng sapat na panahon ang mga kinauukulan para i-update ang kanilang kontribusyon at matiyak na magagamit ang benepisyo sakaling may magkasakit sa pamilya.
Para sa inyong mga katanungan o kung may paksa kayong nais naming talakayin sa kolum na ito ay tumawag sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442, o magpadala ng sulatroniko sa [email protected]. Ang mapipiling paksa ay may munting alaala mula sa PhilHealth.
Comments are closed.