BAGONG PASILIDAD NG NDRRMC PINASINAYAAN

NUEVA ECIJA-PINANGUNAHAN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpapasinaya sa Alternate Government Command and Control Center (GCCC) sa Camp Fort Magsaysay kasama sina OCD Executive Director Ricardo Jalad, Social Welfare and Development Undersecretary Felicisimo Budiongan at Army 7th Infantry Division Commander Major General Andrew Costelo,PIA Nueva Ecija at mga mamamahayag.

Ayon sa kalihim, taong 2018 nang magpasya ang gobyerno na magkaroon ng karagdagan o alternatibong GCCC na tutugon at mangangasiwa sa mga response operation sa panahon ng kalamidad sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD).

Mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong karagdagang pasilidad upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at paghahatid ng serbisyo nang pamahalaan.

Bukod sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, may nakalinya pang GCCC na nakatakdang buksan sa Cebu at Cagayan de Oro.

Patunay ito sa mga hakbang at hangarin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging disaster resilient ang bansa na agarang tutugon sa panahon ng pangangailangan.

Matapos ang ribbon cutting, nagsagawa ng simulation exercise hinggil sa mga kapasidad ng alternate GCCC tulad ang pagsasagawa ng situation briefing kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan na nasa ibang lugar, deployment ng mga responder para sa search, rescue and retrieval operations.

Ipinakita rin ang mga kagamitan at kahandaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) tulad ng pagtatayo ng portable communication system sa mga lugar na apektado ng sakuna.

Nabatid na ang alternate GCCC sa Fort Magsaysay ay mayroong sariling operation center, logistics warehouse, mga cabin, at hangar.

Sinabi ng kalihim na, makakaasa ang taumbayan na patuloy sa pagganap ng tungkulin ang NDRRMC at OCD na maitaas ang antas ng pagiging disaster resilient ng bansa. THONY ARCENAL