BAGONG PATAKARAN SA STUDENT DRIVERS, KINUWESTIYON

driver’s license

SINALUNGAT ng isang commuter at transport group advocate na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)  ang pahayag ng isang opisyal ng Land Transportation Office na maganda ang  magiging resulta ng bagong sistema na pagsasailalim sa driving course sa mga kukuha ng student’s permit o driver’s license.

Ayon kay  Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP  hindi  kailangang ipasa sa mga driving school establishments ang pagkuha ng theoretical course at magbayad ng libo-libo bilang enrollment fees.

Hindi aniya  sapat ang 15-hours course upang tumatak at maisiksik lahat ang mga traffic rules and regulations gayundin ang mga moral values at issues sa pagmamaneho.

Ayon kay Inton, nagpadala na agad ng sulat ang LCSP sa TESDA kaugnay ng isyu para wala ng gastos para sa mga nais magmaneho – maliban sa mga accredited driving schools ay mag-offer ang TESDA o local government units ng driving lessons. “Sana ay makonsidera ng LTO ito para naman ‘yung mga hindi makakayanan ang enrollment fee sa mga accredited driving schools ay may pag-asa naman na makakuha ng lisensya sa legal na paraan,” saad ni Inton.

Una nang inihayag ng  license expert na maganda ang magiging resulta ng new system at  nakikita niya ang full implementation  sa Agosto 3, 2020.

Malaki aniya ang  maitutulong sa wisdom, intellectuality at discernment ng isang indibidwal upang kumilos, mag isip at magpasya sa tamang pagmamaneho at  pagsunod sa trapiko ang  bagong sistema.

Naniniwala ang nasabing expert chief ng licensing na ayaw magpabanggit ng pangalan na sa pagsalang pa lang sa theoretical course ay malalaman na kung dapat ba o hindi bigyan ng student’s permit ang isang indibiduwal. BENEDICT   ABAYGAR, JR.

Comments are closed.