SA pag-inog ng panahon, lalong naging pangunahing usapin ang pangangailangan ng pagbabago at reporma sa ating pamahalaan.
Kaya sa harap ng iba’t ibang hamon at pagbabago sa lipunan, isang matapat na pagsusuri at pagsulong ang kinakailangan upang mapanatili ang katarungan, integridad, at epektibong pamamahala.
Inilatag naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang “Bagong Pilipinas” ay isang bagong paraan ng pamamahala na magbubunga ng mga benepisyo para sa lahat ng Pilipino.
Naglalarawan ito ng dedikasyon ng gobyerno na maglingkod nang buong puso sa sambayanang kanilang pinagsisilbihan. Ito ay maaaring pagtanggap sa mga kamalian ng nakaraan at pagsulong patungo sa mas makatarungan at makabagong sistema.
Sabi nga, sa pagpapakita ng ganitong damdamin, lumalim ang ugnayan ng pamahalaan at mamamayan, na nagbibigay daan sa pagkakaroon ng mas malakas at mas makabuluhang demokrasya.
Ayon kay PBBM, ang “Bagong Pilipinas” ay hindi isang plano ng pulitika na inuukit para sa iilan lamang. Ito ay isang pangunahing plano para sa tunay na pag-unlad na nakakabenepisyo sa lahat ng tao.
Ang kampanyang ito ay nagtatangi sa liderato at pamamahala ng administrasyon ni Marcos, na kinikilala bilang prinsipyo, responsable, at mapagkakatiwalaang gobyerno na sinusuportahan ng nagkakaisang institusyon ng lipunan.
Tinuran ni Marcos na ang komplikado at palaging nagbabago na mundo ay nangangailangan ng nagkakaisang pagtugon upang gawing malakas ang bansa, maayos ang ekonomiya, at ligtas ang kinabukasan ng mga kabataan.
Bilang pangako, sinabi ni Marcos na ang gobyerno ay magpapakita ng mga gawang nagpapatunay na karapat-dapat ito sa tiwala ng mga Pilipino. Nais niyang magtakda ng plano para sa progreso na nagbibigay inspirasyon at pangakong pagbabago.
Binanggit din ni Marcos ang Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, kung saan nakalista ang mga sektor na dapat pagtuunan ng pondo at ang mga patakaran na kailangang ipatupad upang makatulong sa pangkalahatang pag-unlad.
Sa kanyang talumpati, inatasan ng Presidente ang mga opisyal ng gobyerno na paghusayin ang mga serbisyong pampubliko at alisin ang red tape.
Wala raw puwang ang mga hindi tapat at tiwaling opisyal ng gobyerno.
Pinaalalahanan niya ang mga opisyal ng pamahalaan na sila’y “mga lingkod-bayan” at hinimok ang publiko na i-report ang mga maling gawain ng mga opisyal at kawani.
Ang mga magsasaka at sektor ng agrikultura ay isa rin sa prayoridad ng gobyerno.
Tunay na ang “Bagong Pilipinas” campaign ay isang hamon sa transpormasyon at pagbabago, hindi lamang sa ekonomiya kundi pati na rin sa pamahalaan at lipunan. Isa itong pagtawag sa pagbabago ng pananaw ng mga Pilipino sa kanilang sarili at sa pag-unlad ng bansa.
Ngunit sabi nga, may ilang aspeto ng kampanyang ito na nangangailangan ng masusing pagsusuri.
Ang malawakang pangako ng pag-unlad ay dapat naaayon sa plano at pagkilos.
Ang transparency at accountability ay mahalaga upang maging matagumpay ang “Bagong Pilipinas” ng pamahalaang Marcos.
Ang pagsusulong na ito ay hindi lamang nakaangkla sa pansariling interes ng iilang tao kundi sa kapakanan ng mas nakararami.
At sa pangunguna ng gobyernong Marcos, ang pagbabago at reporma ay nagiging pundasyon ng isang lipunan na may tiwala sa institusyon at nagtutulungan tungo sa ikauunlad ng buong bayan.