BAGONG PILIPINAS: KAKAYAHAN NG KABABAIHAN, PATUTUNAYAN!”

“SA ngalan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, nakikiisa at binabati namin ang lahat ng mga kababaihan sa buong bansa ng isang maligayang Buwan ng Kababaihan.

Ito ang ginawang pagbati ni Secretary Carlito G Galvez, Jr. kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.

Ayon kay Sec Galvez, lubhang napapanahon ang tema ngayong taon na, “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!”

Sinabi pa ni Galvez na sa likod ng malayang pagwagayway ng ating watawat ay ang sakripisyo, tiyaga at tapang ng mga kababaihang Pilipino.

“Ang inyong lakas, husay, at determinasyon sa pagganap sa inyong mga napakahalagang tungkulin ay nagsisilbing pundasyon ng ating bayan,” mensahe pa ng kalihim sa hanay ng kababaihan.

“Tunay kayong huwaran ng kabutihan sa loob at labas ng ating mga tahanan. Kaya naman, nais naming ipaabot ang aming buong-pusong pasasalamat sa inyong mga kontribusyon noon, ngayon at sa hinaharap, lalo na sa pagsulong ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa ating mahal na bayan, dagdag pa ng presidential peace adviser.

Mabuhay ang mga kababaihang Pilipino! Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
VERLIN RUIZ