“BAGONG PILIPINAS” SLOGAN UMANI NG REAKSIYON

UMANI ng magkakaibang reaksyon ang bagong slogan sa pamamahala ng administrasyong Marcos na “Bagong Pilipinas” mula sa majority at minority ng Senado.

Sa ilalim ng July 3 Memorandum Circular, inaatasan ng Office of the President ang lahat ng institusyon ng gobyerno, kabilang ang state universities and colleges, na gamitin ang “Bagong Pilipinas” sa kanilang mga programa at proyekto.

Gayunpaman, ang bagong slogan ng pamamahala ay nagtulak kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na tanungin kung: “LOGO-vernance na lang ba tayo ngayon?”

Para kay Senador Francis Escudero, nagbibigay ng inspirasyon at hudyat ng “bagong simula” ang slogan.

“That’s his call… but to be fair, it’s inspiring,” ani Escudero.

Ayon naman kay Sen. Joel Villanueva, ipinapakita ng slogan ang nais na maging direksyon ng administrasyong Marcos.

“For me, the slogan clearly sets the direction and objectives that the Marcos administration wants to accomplish. We are one with President Bongbong Marcos in ensuring that the government puts the welfare and interests of Filipinos first through good governance,” ani Villanueva.

Umaasa naman si Sen. Risa Hontiveros na masusundan ito ng pagkilos para sa pag-unlad ng Pilipinas.

“Bagong Pilipinas sounds too much like Bagong Lipunan at alam naman nating kung gaano kahindi naging bago yung lipunan na iyon dahil hanggang sa ngayon, yung legasiya niya ng paglabag sa karapatang-pantao ay hindi pa nga resolved,” ayon kay Hontiveros.
LIZA SORIANO

PALASYO DUMEPENSA
Idinepensa ng Presidential Communications Office ang bagong logo.

Pagpapatuloy sa pagsulong ng bansa ang inilalarawan ng logo ng “Bagong Pilipinas”.

Ayon sa PCO, ang tatlong pulang guhit ay sumisimbolo sa mga pangunahing yugto ng pag-unlad sa buong kasaysayan: ang pag-unlad ng agrikultura at kanayunan pagkatapos ng digmaan; ang post-kolonyal na panahon; at ang kasalukuyang pag-unlad ng metropolitan.

Ang dalawang asul na guhit ay sumisimbolo sa mga layunin para sa hinaharap – isang progresibong Pilipinas na gumagamit ng pagsulong ng teknolohiya sa pagtataguyod ng napapanatiling pag-unlad ng industriya.

Ang pagsikat ng araw ay nagpapahiwatig ng bukang-liwayway ng isang bagong Pilipinas, na sumisimbolo sa ating pagnanais na maging sentro ng entablado sa pandaigdigang pamilihan at komunidad ng mga bansa.

Ang weave pattern ay naglalarawan ng pagkakaugnay at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino, dahil ang bisyon ng Bagong Pilipinas ay makakamit lamang sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap, pagtutulungan, at pagkakaisa ng pangako sa pag-unlad.

Kung paanong ang mga indibidwal na hibla ay nagsasama-sama upang bumuo ng isang matibay at masalimuot na habi, ang sambayanang Pilipino, kasama ang kanilang magkakaibang pinagmulan at talento, gayundin ang mayamang pamana ng kultura, ay nag-aambag sa lakas ng bansa.

Sa pangkalahatan, ang logo ng Bagong Pilipinas ay naglalaman ng pananaw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa bansa, na nagbibigay-diin sa pagkakaisa, pakikilahok, at kultura ng bayanihan bilang pangunahing mga hibla at sangkap para sa ganap na pagsasakatuparan nito.

Ang logo ay ginawa sa loob ng PCO at sumailalim sa kumpletong gawain ng kawani upang matiyak ang pagsunod sa heraldic code.

Nagawa ito nang walang gastos sa gobyerno. EVELYN QUIROZ