BAGONG PINUNO ITATALAGA SA AFP WESMINCOM

Cirilito Sobejana

INIHAYAG kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr. na itatalaga niya si AFP 6th Division chief, Major General Cirilito Sobejana, bilang bagong pinuno ng Western Mindanao Command (WESMINCOM).

“It’s true. Turnover will be on 28 June. He is most qualified, ha­ving been assigned there most of his career. (Sobejana) is a Medal of Valor awardee and dedicated officer,” pagkumpirma ni Gen. Madrigal sa ulat na pagtatalaga ng bagong WESMINCOM commander.

Si Sobejana ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1987, ay ginawaran ng Medal of Valor dahil sa kanyang ipinakitang katapangan noong Ener­o 13, 1995 nang sagupain niya at ng kanyang mga tauhan ang may 150 Abu Sayyaf terrorists sa Isabela, Basilan.

Nabatid pa na may direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyang durugin ang puwersa ng  Abu Sayyaf sa loob ng isang taon.

Kaugnay ng nasabing direktiba, inihayag ni Sobejana na sisikapin niyang malansag ang banta ng Abu Sayyaf.

Una rito, inihayag ni AFP Public Affairs Office chief Col. Noel Detoyato na logical na italaga si Sobejana para pamunuan ang WESMINCOM dahil siya ang pinaka-senior at isang experienced division commanders ng  Philippine Army bukod pa sa pagiging pamilyar sa nasasakupan nito kabilang ang Basilan, Sulu, at Cotabato. VERLIN RUIZ

Comments are closed.