(Bagong PNP chief ihahayag na) ACORDA MAGRERETIRO NA SA LINGGO

TULOY tuloy na umano ang pagreretiro ni Philippine National Police (PNP) chief General Benjamin Acorda Jr. kung pagbabasehan ang mga ginagawang paghahanda ngayon sa loob ng Camp Crame.

Sinasabing puspusan na ang ginagawang preparasyon PNP para sa nalalapit na pagreretiro ni Gen Acorda sa Linggo.

Katunayan, ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Jean Fajardo, mahigit dalawang Linggo nang naghahanda ang PNP para sa igagawad na retirement honors para kay Acorda.

Nabatid na magreretiro sa serbisyo si Acorda sa darating na Linggo, Disyembre 3.

Subalit, hanggang kahapon ay wala pang inilalabas na pangalan ang PNP maging ang tanggapan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos hinggil sa posibleng kahalili ni Acorda.

Isa source mula sa PNP ang nagsabing tuloy ang nakatakdang retirement at assumption ceremony sa loob ng Crame katunayan ay may mga nakatakda ng official function ang susunod na PNP chief.

Sinasabing lalagda sa isang memorandum of agreement ang bagong talagang PNP chief at kinatawan ng International Committee of the Red Cross.

Sa ngayon, wala pang impormasyon kung may napili na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na susunod na hepe ng PNP o kung paplalawigan nito ang serbisyo ni Acorda.

Ilan sa matunog na posibleng maging hepe ng PNP ay sina PNP Deputy Chief for Administration Lieutenant General Rhodel Sermonia na umaasang mabibigay ang hinahangad na posisyon kahit ilang buwan lamang.

Sina PNP Deputy Chief for Operations Lieutenant General Michael John Dubria at PNP chief of the Directorial Staff Lieutenant General Emmanuel Peralta ang ilang sa matunog na pangalan.

Bukod pa kina PNP SAF Director Major General Bernard Banac, PNP CIDG director Major General Romeo Caramat Jr., PNP Directorate for Comptrollership director Major General Rommel Francisco Marbil at NCRPO Regional Director Major General Jose Melencio Nartatez Jr. VERLIN RUIZ