BAGONG PUTAHE NG DTI: ADOBONG KAMBYO

SIGURO naman, marami sa atin ang nabigla sa paglabas ng panibagong kautusan ng Department of Trade and Industry (DTI) na magkakaroon na ng ‘standardization’ ang kilalang putahe natin na adobo.

Pinag-aaralan pa raw ng DTI kung isasama pa nila rito ang mga kilalang Filipino dish tulad ng sinigang, lechon at sisig.

Ayon sa DTI, plano nilang mag-develop ng ‘national standard’ na magsisimula nga sa pagluluto ng adobo. Ayon sa kanila, iba-iba raw kasi ang estilo ng pagluluto ng nasabing pagkain sa buong bansa.

Kaya naman daw nais nilang maglagay ng pamantayan sa pagluluto ng popular na adobo.

Ha? Tama ba ang ang balitang ito? Nagpapatawa ba ang DTI? Ano naman kaya ang pumasok sa mga ulo ng mga ilang henyo sa nasabing ahensiya at pati pamantayan ng pagluluto ay panghihimasukan nila?

Teka, teka…kulang ba ako sa tulog o marahil ay may hang over pa ako sa pag-inom ko ng isang boteng beer. DTI, napag-isipan ba ninyong mabuti ito? O nakainom o kulang din sa tulog ang nakapag-isip ng kautusan na ito?

Palagay ko ay hindi lamang ako ang nalaglag sa upuan matapos mabasa ang nasabing kautusan ng DTI sa pahayagan. Marami sa social media ang bumatikos sa balitang ito. Aba’y totoo naman kasi. Bakit pati estilo ng pagluluto ay pakikialaman pa ng DTI?

Kaya naman, pagkatapos na umani ng sandamakmak na batikos ay biglang kumambyo ang DTI. Ayon sa mga ilang henyo sa DTI, ang nasabing kautusan ay para lamang sa ‘international standards’. Dagdag palusot pa ni DTI Sec. Mon Lopez, ito raw ay upang proteksiyunan ang Philippine adobo sa ibang bansa na maaaring sabihin na ang naturang pagkain ay nagmula sa kanilang bansa…..huh?!

Ang bansang Italy ba ay umalma sa estilo ng pagluluto ng spaghetti o pizza? Ang Singapore, Malaysia at Thailand ba ay nagkaroon ng sigalot kung sino sa kanila ang nakaisip ng lutong Lakhsa? Naging malaking isyu ba kung sino ang naka-imbento ng hamburger? Umabot ba ang isyung ito sa United

Nations o kaya naman sa International Court of Arbitration tulad ng isyu sa West Philippine Sea?!

Teka, DTI. Huwag na po tayong magpalusot. Aminin na ninyo na hindi ninyo masyadong napag-isipan ang nasabing kautusan. Sa una pa lamang ay bakit pati pagkaing Filipino ay panghihimasukan ninyo?

Hindi ba dapat ay nasa poder iyan ng Department of Tourism (DoT)? Maliban lamang kung nag-uusap kayo ni DoT Sec. Berna Puyat tungkol dito. Subalit kung totoo man ito, lalabas naman ang kapabayaan ni Sec. Puyat, hindi po ba? Pinapayagan niyang ‘sagasaan’ ng ibang ahensiya ng gobyerno ang mga katungkulan ng DoT.

Sa totoo lang, nitong mga nakalipas na buwan, kaliwa’t kanan ang mga Department Administrative Orders (DAO) na inilabas ng DTI upang umano’y ma- standardize ang ilang produkto. Nagsimula sila sa mga materyal para sa construction tulad ng plywood, yero at electrical na mga produkto. Ayon sa DTI, ang nasabing layunin ay upang pataasin ang kalidad ng mga produkto natin.

Subalit hindi nila isinaalang-alang ang biglang pagtaas ng presyo ng mga ito dahil sa dami ng hinihingi nilang mga kinakailiangan upang maaprubahan ang pag-angkat ng nasabing mga produkto. Nagkaroon tuloy ng kakulangan ng suplay ng construction materials na nagresulta sa pagtaas ng mga presyo nito!

Nagtaasan ang presyo ng mga materyales sa construction nitong nakaraang tag-init . Ito pa naman ang panahon ng pagtatayo ng mga bahay, gusali o kaya naman pagkukumpuni bago pumasok ang tag-ulan.

Ito rin ang dahilan kung kaya nagpanukala si Sen. Francis Tolentino na imbestigahan ang nasabing mga kautusan ng DTI ukol dito. Nakadagdag na pruweba pa sa kapalpakan na kautusan (DAO) ng DTI ang kaliwa’t kanan na ‘cease and desist’ order mula sa hukuman sa nasabing DAO! Haaaaays.

Kaya ibinabalik ko na naman sa lutong adobo. Mukhang dapat ay gumawa ang DTI ng bagong putahe. Ano ba ang sangkap ng ADOBONG KAMBYO? Hawig ba ito sa Lutong Makaw?! Nagtatanong lang po.

2 thoughts on “BAGONG PUTAHE NG DTI: ADOBONG KAMBYO”

  1. 885575 690408omg! cant envision how quick time pass, following August, ber months time already and Setempber will be the first Christmas season in my spot, I truly enjoy it! 189763

Comments are closed.