BAGONG QCPD CHIEF APRUB SA MUSLIM LEADERS

SUPORTADO ng Muslim leaders ang bagong QCPD Director na si BGen. Redrico Maranan kasunod ng courtesy visit ng mga ito sa QCPD Social Hinirang Hall nitong Miyerkules.

Pinangunahan ni Quezon City Bangsamoro Affairs Service (QCBAS) retired Col. Jameel Jaymalin kasama ang mga delegado ng Muslim leader ang pagbisita sa QCPD na naglalayong bigyang diin ang mahalagang papel na ginagampanan ng tagapagpatupad ng batas at komunidad ng Muslim tungo sa pagtutulungan, pagkakaisa sa pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad.

Ipinakita rin nito ang matatag na suporta ng Muslim leaders mula sa iba’t ibang komunidad para kay Maranan bilang District Director ng QCPD.

Dumalo ang 60 mga kinatawan ng Muslim mula sa Distrito 1 hanggang 6 upang talakayin ang iba’t ibang paraan para sa kooperasyon na magtataguyod ng pagkakaunawaan at pakikipagtulungan.

Tampok din sa pagbisita ang “Manifesto ng Pagsuporta” ng mga Muslim Leader sa liderato ni Maranan.

Sumasalamin ang naturang manifesto sa pangako ng komunidad ng Muslim sa pakikipagtulungan nang malapit sa puwersa ng pulisya upang bumuo ng isang mas ligtas at mas inklusibong lipunan. PAULA ANTOLIN