(Bagong record low)PISO VS DOLYAR BUMULUSOK SA P57.43

BUMAGSAK ang halaga ng piso sa bagong record low kontra US dollar nitong Biyernes sa gitna ng inaasahang mas agresibong monetary policy tightening ng US Federal Reserve para mapabagal ang inflation sa pinakamalaking ekonomiya ng mundo.

Ang local currency ay humina ng 27 centavos upang magsara sa P57.43:$1 mula sa P57.16:$1 noong Huwebes.

Ito na ang ika-6 na pagkakataon na sumadsad ang piso sa all-time weakest nito.

Nalagpasan ng pagsasara nitong Biyernes ang naunang all-time low na P57.18:$1 na naitala noong September 8, 2022 — ang ika-5 sunod na araw na bumagsak ang piso sa bagong record-lows.

Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort, ang pagsadsad ng piso ay dahil sa inaasahang 0.75-1.00 Fed rate hike sa September 21, 2022 na pumapabor sa US dollar pagdating sa mas mataas na interest rate earnings makaraang sumirit ang US consumer price index sa 8.3% noong August.

Aniya, ang inaasahang mas mataas na interest rates sa US ay nagresulta sa mas malakas na dolyar kontra global, Asian, at Southeast Asian currencies.

“The peso also weakened amid some POGO-related policy uncertainties, especially those allegedly involved in illegal activities may have also added to some market concerns as this could reduce POGO revenues and also reduce other business/economic activities in the country,” sabi pa ni Ricafort.

Magmula nang magsimula ang 2022, ang piso ay humina kontra dolyar ng P6.411 o 12.6% mula P50.999:$1 hanggang end-2021.