BAGONG RECORD SA PINAY THROWER SA ASG

Ann Katherine Quitoy

KUALA LUMPUR, Malaysia – Bumubuhos ang biyaya sa Team Philippines nang maiukit nito ang isang bagong marka sa 2018 ASEAN Schools Games.

Naitala ng 17-anyos na si Ann Katherine Quitoy ang bagong record sa girls javelin event sa naibatong 49.18 meters sa Mini-Stadium ng National Sports Complex sa Bukit Jalil para sa ikaapat na gintong medalya ng Team Philippines.

Binura ni Quitoy ang dating record na 46.04 meters na naitala ni Devi Jayaindran Pavithraa ng Malaysia sa nakalipas na edisyon ng taunang torneo sa Singapore. Sa natu­rang edisyon, nakapagtala rin si Iloilo thrower James Lozanes ng marka sa boys javelin.

Tinalo ni Quitoy sina Klinla-Or Supisara ng Thailand (47.89m) at  Firliana Yuni Fira ng Indonesia (43.35m).

Bago ang impresibong panalo ni Quitoy, nakopo ni Jessel Lumapas, 2018 Palarong Pambansa most outstanding athlete sa athletics, ang gold medal sa girls 400m run sa bilis na 57.46 segundo.

Naungusan niya sina Pratike Rawiwan ng Thailand (57.10) at Maulidah ng Indonesia (57.54).

Nitong Linggo, nasikwat ng eam Philippines na binubuo ng mga medalist sa nakalipas na Palarong Pambansa, ang gold medal sa girls high jump at long jump.

Naiposte ni Trexie dela Torre, pambato ng Bacolod City, ang 5.84 metro para pagbidahan ang girls event sa kanyang personal-best laban kina Mahira Hanis Binti Ishak ng Malaysia (5.83) at Vietnam’s Hoang Thanh Giang (5.83).

Nahigitan ng Negrense ang personal record na 5.44 metro na naitala niya nang pagwagian ang 2018 ­Palarong Pambansa nitong Abril sa Vigan City, Ilocos Sur.

Itinanghal na Pinay first gold medalist si Evangelene Caminong nang madominahan ang girls high jump event.

Bukod sa Palarong Pambansa, namayani rin si Dela Torre sa naturang event sa 2016 Batang Pinoy National Finals sa Tagum City, Davao del Norte.

“Bago po ‘yung turn ko, nagdasal po ako na sana maganda ‘yung kalalabasan. Ngayon po ini-enjoy ko ‘yung panalo and ang experience ko rito,”  pahayag ng Grade 11 student ng Romanito P. Maravilla National High School na sumabak sa torneo sa unang pagkakataon.

Ayon kay Adriana Arca, ang athletics girls coach, ramdam niya na makakamit ni Dela Torre ang gold medal bago pa ang laban.

“She was prepared and ready for this competition,” ani  Arca.

Sa Universiti Teknologi Mara (UTM) Sports Complex sa Shah Alam, nakamit ng boys sepak takraw ang bronze medal sa doubles category, habang nakasama sa podium si Thanya Dela Cruz matapos pumangatlo sa 50-meter breaststroke sa swimming competition sa Darul Aquatik Centre sa Shah Alam, Malaysia.

Comments are closed.