BAGONG SENATE BUILDING SA TAGUIG BUBUKSAN SA JULY 2024

PINANGUNAHAN  ng mga senador ang topping-off ceremony ng bagong Senate building sa Taguig City nitong Huwebes.

Nanguna rito si Senate President Juan Miguel Zubiri.

Kasama niya sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senators Nancy Binay, Cynthia Villar, JV Ejercito, Ronald dela Rosa, at Bong Go.

Kasama rin sa seremonya sina dating Senate President Tito Sotto, dating Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, Bases Conversion and Development Authority chairperson Delfin Lorenzana, at Taguig Mayor Lani Cayetano.

Ayon kay Binay, chairperson ng Senate accounts committee, ang topping-off ceremony ay naaayon sa layunin ng Senado na buksan ang gusali para sa partial operations sa Hulyo 2024.

“May instruction kasi si Senate President Zubiri to conduct the opening of session next year sa Bagong Senado,” ani Binay.

“Ang topping-off ay isang tradition na ginagawa para gunitain ang pagkumpleto sa structural frame ng isang building sa pamamagitan ng pagkabit ng huling structural beam nito,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Binay na layunin ng bagong gusali na maging unang “green building-certified facilities.”
LIZA SORIANO