LAGUNA – MAITUTURING na isang anghel ang natagpuang kapapanganak pa lamang na sanggol na babae matapos itapon ng hindi pa nakikilalang ina nito sa gilid ng kalsada sakop ng Purok I, Bgy. Calumpang, bayan ng Liliw kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Nagcarlan PNP, dakong alas-10:00 ng umaga nang matagpuan ng isang Wilson Tubangbanua, 39- anyos, Pepsi Cola Sales Assistant ng Bgy. Banago, Nagcarlan ang umiiyak na sanggol.
Pahayag ni Tubangbanua, pansamantalang huminto muna ito sa isang lugar lulan ng kanyang motorsiklo nang hindi inaasahang makarinig ito ng umiiyak na sanggol sa gilid ng tangke ng tubig malapit sa ilog.
Aniya, nakabalot sa isang puting tuwalya habang nakapulupot pa sa kanyang leeg ang umbilical cord nito na hinihinalang kapapanganak pa lamang.
Ipinagbigay- alam sa mga residente at kagawad ng Barangay ang insidente kung saan agad na isinugod ang sanggol sa Nagcarlan District Hospital para lapatan ng lunas habang patuloy na inaalam ng pulisya ang posibleng pagkakakilanlan sa kanyang mga magulang para sampahan ng kaukulang kaso.
Kaugnay nito, nasa mabuting kalalagayan ngayon sa naturang pagamutan ang naturang sanggol. DICK GARAY
Comments are closed.