Itong taong 2018, isang panibagong Sistema ng Arnis ang nailikha. Ang Arnis o Eskrima ay isang Filipino Martial art na gumagamit ng sandatang kahoy na kadalasan ay gawa sa rattan. Gayunpaman, hindi alam ng marami na ang arnis ay higit pa sa paggamit ng istik. Ang ebolusyon nito ay nasubaybayan sa pamamagitan ng paggamit ng mga patalim na armas na ginamit ng ating mga ninuno.
Si Reynaldo Senson, na kilala rin bilang Lakan o Master Rey ay lumikha ng kanyang sistema ng Arnis na kanyang nailabas sa publiko noong Marso 24, 2018 na tinatawag na Kali Arnis Mano-mano Practical System. Dahan-dahan na binuo ni Rey ang kanyang sariling sistema ng Arnis habang itinuturo pa rin niya ang sistema ng kanyang guro, na si Punong Lakan Garitony Nicholas hanggang sa ito ay pumanaw.
Nagsimula si Rey sa pag-aaral ng arnis sa edad na labinlima. Halos dalawpu’t tatlong taon na rin siyang nagsasanay sa nasabing larang.
Ayon kay Rey, ang kanyang estilo ay ang kombinasyon ng ebolusyon ng arnis kung saan ito nagmula sa paggamit ng mga patalim, patungo sa paggamit ng stick at ang pag-angkop ng arnis sa paggamit ng kamao o ang mano-mano.
Kung ikukumpara sa iba pang estilo ng arnis, ang kanyang diskarte ay direktang paggamit ng mga pamamaraan kaysa sa paggamit ng mga magarbong paggalaw. Ang kanyang pilosopiya ay “Minimum effect at maximum efficiency”.
Ang kanyang sistema ay ang paggamit ng mga patalim tulad ng kutsilyo, karambit, mano-mano at ang pagdis-arma sa kalabang may gamit na mga patalim.
Halos naging kabuhayan ni Rey ang arnis dahil sa kanyang dedikasyon. Dito na rin niya kinukuha ang kanyang pinambubuhay sa kanyang pamilya at pantustos sa pang-araw-araw.
Dagdag ni Rey, ang kanyang dedikasyon sa arnis ay nagbigay ng maraming oportunidad sa buhay.
Noong Disyembre 11, 2009, ang arnis ay idineklara ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang Nasyunal Isports at martial arts sa pamamagitan ng R.A. 9850.
Ayon kay Rey, ang arnis ay mas naging popular sa mga banyaga kumpara sa ating mga Pinoy. Isa na rin sa kanyang adbokasiya ay ang mapakilala ang arnis sa mga susunod na henerasyon at maipagpatuloy niya ang nasimulan ng kanyang dating guro.
Dagdag ni Rey, maraming sistema ng mga arnis ang hindi nakilala lalo na ang mga nasa kanayunan at probinsiya. Marami na ring mga matatandang arnisador na lumikha ng sariling sistema ang hindi nabigyan ng pagkilala hanggang sa kanilang pagpanaw. Text and photos by NIKON CELIS
Comments are closed.