INAASAHANG magbubukas ng bagong casino sa Cavite si Tycoon Enrique Razon sa 2028 habang umaasa ang gobyerno na mas dadami ang mga integrated resorts upang pasiglahin ang lokal na industriya ng gaming.
Sa Inside Asian Gaming Summit, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) chairman at CEO Alejandro Tengco na nakikita ng ahensya ang pagdami ng mga industry player na nag-i-invest sa Pilipinas dahil sa natatanging selling point ng bansa bilang pangunahing destinasyon para sa turismo at libangan.
Sinabi ni Tengco na hindi bababa sa anim na integrated resorts o mga resort na may kasamang hotel na may casino at iba pang pasilidad para sa retail at kainan ang itatayo sa termino ng administrasyong Marcos.
“By 2025, one will be launched in the Entertainment City area, as well as other potential projects in Cebu and Boracay by 2026,” ani Tengco.
“Clark, the economic zone in Central Luzon is also on the radar for a new integrated resort in 2027, followed by another Solaire property resort sometime in the end of 2028” dagdag pa nito.
Partikular na ang Solaire Puerto Azul sa Cavite ang magiging ikatlong casino ni Razon matapos ang Solaire sa Parañaque at ang binuksang $1-bilyong integrated resort sa Quezon City kamakailan.
Maliban sa timeline, wala pang ibinibigay na partikular na detalye si Tengco tungkol sa planong Solaire casino.
“If you will just be in the province, and you’ll set up one, you have to have an investment of at least $300 million” sabi ni Tengco.
Noong Abril 2023, pumirma ang Bloomberry Resorts Corp. ni Razon ng kasunduan sa isang grupo ng mga nagbebenta ng lupa sa Cavite upang makabili ng property para sa pagpapaunlad ng casino.
Bukod sa Solaire Puerto Azul, matatapos na at magbubukas sa susunod na taon ang Westside City Project ng Suntrust Resort Holdings Inc.
Dalawang integrated resorts din ang inaasahan sa Boracay sa 2026.
“We also have Lapu-Lapu City in Mactan. They have big tracks of land. Then we’re looking at expansions in Clark” ayon kay Tengco.
“We don’t know yet how big these are. But definitely, these will generate thousands of opportunities for employment.”
Sa summit, iginiit ng PAGCOR chief na ang paglago ng industriya ng gaming sa bansa ay nakaangkla sa tatlong pangunahing salik kabilang ang pagpasok at operasyon ng mas maraming integrated resort casinos sa Pilipinas.
RUBEN FUENTES