BAGONG SRP SA BILIHIN PINAG-AARALAN NG DTI

Assistant Director Lilian Salonga

PINAG-AARALAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang posibilidad na maglabas ng panibagong suggested retail prices (SRPs) ng mga pangunahing bilihin dahil sa pitong magkakasunod na linggong rollback sa presyo ng petrolyo.

“Actually po, ang DTI ay gumagawa nga­yon ng pag-aaral para makita natin kung ano ang magiging epekto ng pag ganda ng ating ekonomiya, par-ticularly ito ngang foreign exchange at ito ngang pres­yo ng langis,” pahayag ni Assistant Director Lilian Salonga ng DTI Consumer Protection and Advocacy Bureau sa isang panayam kahapon.

“Maglalabas po kami ng bagong bulletin ng a­ming suggested retail price para ma-reflect ‘yung puwede nating makita na paggalaw ng presyo,” ani Salonga.

“Hinahanap namin sa aming pagsusuri ano pa ‘yung direct production cost na puwede nating makita na makaaapekto sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin.”

Noong huling araw nang nagdaang linggo, ilang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo na sila ay magkakaroon ng rollback sa presyo ng petrol­yo simula ngayong araw ng Martes, Nobyembre 27.

Nagmo-monitor ang mga opisyal ng DTI ng mga retailer kung sila ay sumusunod sa SRP ng gobyerno.

“Araw-araw po ‘yan umiikot sa ating pamilihan para matiyak na ang ating mga tindahan ay nagko-comply sa ating itinakdang SRP,” sabi niya.

Napansin ni Salonga na ang presyo ng ilang Noche Buena products ay tumaas at ang iba naman ay walang pagbabago.

“Ito pong Noche Buena product ay may separate pong SRP bulletin. As early as October po kasi nakipag-ugnayan na kami sa manufacturers para tiyakin na ang presyo po nito ay ‘di na po gagalaw,” sabi ni Salonga.

“Mayroon po tayong mga item na nagkaroon ng pagtaas pero the same bracket po. For example, ang hamon. Meron pong produkto na nagtaas ng three percent pero may mga item na nagbaba pa ng presyo o ‘di ginalaw ang presyo at all,” dagdag pa niya.

Noong Oktubre, nag-release ang DTI ng SRP sa Noche Buena items para masiguro na ang mga konsyumer ay nagbabayad ng tama.

 

Comments are closed.