PALAGI nating sinasabi na magbabago na tayo ng buhay tuwing pagsapit ng panibagong taon.
Kadalasan ay tinatawag natin ito bilang isang “new year’s resolution”. May mga pangako tayo na dapat ay magbago na ng pananaw sa buhay, kalusugan, relasyon sa mga minamahal natin sa buhay, sa trabaho, maging sa pagiging masinop sa pera at marami pang iba.
Subalit karamihan ba sa atin ay natutupad ang mga ito? Sa totoo lang ang sagot dito ay hindi. May mga ilan na nagpursige upang baguhin ang buhay. Lalo na kapag ang tao ay nalagay sa malaking hamon sa buhay. Nasa isip at diwa nila ang pangangailangan na makabangon sa buhay. Ito ang mga taong tinamaan ng kamalasan at walang ibang alternatibo kung hindi bumangon sa pagkakadapa.
Ngunit sa mga ordinaryong mga Pilipino na nasa magandang kalagayan ng buhay, ang mga maliliit na pagbabago ay kadalasang hindi natutupad o nalilimutan. Tulad ng pag eehersisyo ng regular o kaya naman ay ang pagbabawas ng pagkain na maaaring makasama sa kalusugan; paninigarilyo o kaya naman ay pagbabawas ng pag inom ng alak. Ang pagtitimpi ng galit sa kapwa at marami pang iba. Ang mga halimbawang ito ay kadalasan ay nakakalimutan matapos lumipas ang unang tatlong buwan ng taon.
Isa rin sa hindi na matigil tigil na hindi gaanong magandang kaugalian sa mga Pilipino ay ang pagsindi ng mga paputok tuwing sasapit ang bagong taon.
Bawal na ang mga paputok tulad ng rebentador, triangulo, piccolo, bawang, pla pla at ibang katulad na mapaminsalang paputok. Ngunit ayon sa ulat ng DoH, 116 na kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) ang naitala noong ala sais ng umaga ng ika-31 ng Disyembre hanggang 5:59 ng umaga ng Bagong Taon. Tinatayang aabot ng mahighit na 231 ang mga kaso ng naputukan nitong kapaskuhan.
Kaya naman masasabi natin na isang “wishful thinking” lamang ang tunay na pagbabago sa buhay. Tanungin din natin yan sa mga ilan na pulitiko natin. Happy New Year sa inyong lahat.