BAGONG TAON, BAGONG HAMON, BAGONG BUHAY

magkape muna tayo ulit

MANIGONG Bagong Taon sa inyong lahat!

Sa pagpasok ng 2025, tayong lahat ay umaasa, nagdarasal at nangangako na gagawin ang lahat upang mas maging maunlad ang buhay natin. Bukod diyan ay ang pag-iingat sa ating kalusugan upang  magbigay ng lakas at sigla sa lahat ng tatahaking landas sa taong ito.

Marami sa atin ay umaasa sa mga bagay na umano’y nagbibigay suwerte sa atin. Ang mga debotong Katoliko ay naghahanda na sa Pista ng Black Nazarene sa Quiapo sa mga susunod na araw. Marami kasi ang naniniwala sa ating mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na lilibot sa Maynila na magbibigay ng kasagutan sa kanilang mga suliranin.

Ang ilan sa ating mga kababayan ay bumibili ng iba’t ibang uri at makukulay na pulseras sa paniniwalang nagbibigay ito ng suwerte sa kanila sa taong ito.

Naghalo na ang paniniwalang Kristiyano sa relihiyong Buddhism sa paligid ng Simbahang Katoliko. Makikita natin ito sa pamamagitan ng pagbenta ng iba’t ibang bagay na batay sa paniniwala sa Buddhism. Magbibigay umano ito ng suwerte o kaya naman ay makatutulong sa pag-iwas sa atin sa kapahamakan.

Nandiyan pa ang Chinese philosophy na tinatawag na Feng Shui. May mga alituntunin ang Feng Shui sa pag-aayos ng gamit sa bahay upang pumasok ang suwerte o kaya naman ay labanan ang kamalasan sa ating mga tahanan. Marami sa ating mga Pilipino ay kumokonsulta sa mga tinatawag na Feng Shui “experts” kung ano ang dapat ayusin sa kanilang tahanan pati na sa buhay sa pagpasok ng 2025.

Pinaghahandaan din ang Pista ng Sto. Niño sa ika-19 ng Enero. Ang mga deboto ng Poong Sto. Niño sa buong kapuluan ay naghahanda rin upang ipagdiwang ang kapanganakan ng Katolisismo sa Pilipinas. Tiyak na ang mga deboto natin ay naniniwala na ang paglahok sa paradang ito ay makatutulong sa kanilang mga nais na mang­yari sa kanilang buhay ngayong 2025.

Subalit itong mga paniniwala ay dapat res­petuhin. Bagama’t ako ay hindi lubos na naniniwala rito, nakatutulong din ang mga ito upang lumakas ang pananampalataya sa ating Panginoon at kakapit nang mahigpit sa mabigat na hamon ng buhay. Nagpapalakas ito ng pag-asa sa ating buhay.

Ang poverty rate ng Pilipinas noong 2023 ay 15.5%. Bumaba ito mula 18.1% noong 2021. Ayon sa pag-aaral ng World Bank, ang po­verty rate ng Pilipinas ay bababa pa ng mahigit sa 13.6% sa pagpasok ng 2025 at maaaring bu­maba sa 11.3% pagda­ting ng 2026.

Kaya naman tila maganda ang mga senyales na ito.

Ang dapat lang na­ting ipagdasal ay ang mga namumuno sa ating bansa na palakasin ang ekonomiya ng bansa. Tutukan ang health program ng mga mahihirap. Ayusin ang mga malalaking proyektong imprastraktura sa buong Pilipinas. Seryosong mag­hanap ng solusyon upang maiwasan ang lumalalang trapik sa Metro Manila at sa iba pang malalaking lungsod sa ating bansa.

Bawasan ang pamumulitka at bigyan importansya ang kapakanan ng karamihan. Huwag bigyan ng maling pananaw ang mga Pilipino na ang gobyerno lamang ang solusyon sa kanilang kahirapan. Bagkus bigyan sila ng oportunidad na magkaroon ng marangal na trabaho o negosyo. Tanggalin ang korupsiyon.

Kung ating pagsasama-samahin ang pananampalataya, sipag at tiyaga, malinis na pamamahala ng ating mga pulitiko at walang korupsiyon, tiyak na ang 2025 ay magbibigay sa atin ng MAGANDANG BAGONG TAON!