BAGONG TAON, BAGONG NEGOSYO?

dok benj

TANONG: Doc Benj, ano po kaya ang magandang pasuking negosyo?

Sagot: Maraming dapat isaalang-alang kung ikaw ay magnenegosyo o magpapalit ng negosyo. Dapat mong malaman muna ang iyong kapasidad kung sasabak ka sa pagnenegosyo at kung ikaw naman ay mayroon nang negosyo at gusto mong palitan dahil ipagpalagay na nating nalulugi ang existing business mo, kaya narito ang ilang dapat mong maunang unawain para magka-idea kung ano ang magandang pasuking negosyo o mga produktong sa tingin nating papatok o bebenta:

1. Health – Malaki ang nagbago sa lifestyle o pamumuhay natin dahil sa COVID-19 at ngayon po ay tumaas ang ating pagkaalarma na magkaroon tayo ng malakas na pangangatawan. Kaya sa kategorya na ‘to dadami ang negosyo na may patungkol sa health, protection ng kalusugan at pati mga pagkain ng masusutansiyang pagkain o food supplement. Magiging patok lalo ito kung mapapababa ang presyo at kahit mga ordinaryong mamamayan ay makakabili o makaka-avail ng services ng patungkol sa kalusugan. Example ng business ay fitness online at paraan na maengganyo ang mga tao, mga pang-ehersisyo na produkto na magagawa sa bahay, mga laboratory test at mas mainam kung magagawa sa convenient na paraan, pagbebenta ng food supplements na puwedeng makabili kahit ang masa, mga gamit na pamprotekta, applications na may kinalaman sa health at maganda kung ma-monitor ang kalusugan ng buong pamilya, atbp.

2. Environment – Gaya ng pag-iingat sa pangangatawan, ang mga tao ngayon ay mas pahahalagahan ang kalikasan kaya ang mga produkto na nag-iingat sa kapaligiran ay madaling maibebenta. Ang ating likas na yaman ay nauubos kaya naghahanap tayo ng mga alternatibong produkto na kapalit sa produktong umuubos sa ating likas-yaman. Magbenta ng produktong hindi sisira sa kalikasan. Iwasan ang mga waste material at gawing friendly sa environment. Example, tindahan ng mga alternatibong makakalikasang produkto (kaysa plastic straw, magtinda ng kawayan), magtayo ng service company na tutulong sa maayos na pangongolekta ng basura o pag-manage ng waste materials ng community, gawing tourist activity ang pagtatanim ng puno o experience sa pangangalaga ng kapaligiran, mga hotel o pasyalan na mas nakikita ang magandang views ng kalikasan atbp.

3. Stability o Katatagan ng Negosyo – Mag-isip ng negosyo na matatag at kung pansamantala lamang ang kita ay isipan na kung paano ito pahahabain at patatatagin. Makipartner sa mga matatatag ng kompanya o ‘di kaya sa gobyerno. Lamang sa panahon ngayon ang malalaking kompanya dahil malaki ang kanilang pondo at kayang mapanatili ang business pero maghahanap ang mga ito ng paraan na makatipid kaya pagkakataon mong mai-offer ang services mo. Lalago rin ang mga negosyo sa mga kanya-kanyang lokal na gobyerno at babawi ang local businesses at maging ‘yung pinaplano ng gobyerno noon na federalism na magpapalakas sana sa bawat lokal na negosyo. Magtinda ng produkto na sumusuporta sa local products dahil mas na-a-aware na ang mga buyer natin ngayon sa kahalagahan ng pagtangkilik ng sariling atin. Example, local business na kape, bags, gamit sa bahay, lokal na produkto, lalo na sa agriculture (poultry, babuyan, bakahan, gulayan) partner ka sa gobyerno sa pag-implement ng mga program nila, suporta sa mga local business at tulungan silang mai-nerwork sa buong bansa, atbp.

4. Values, Relationships, Family – Negosyong may kinalaman sa pagpapalaganap ng magagandang asal o values, o pagpapahalaga sa relationship at pamilya ay bebenta sa hinaharap. Maraming nagtuturo ngayon kung paano mapapalakas ang loob ng bawat isa at kung paano makakaumpisa ng nego-syo habang empleyado kaya patok ang mga seminar/webinar na kung paano mapapalakas ang loob at ang kita ng pamilya. Katuwang nito ang produktong magpapalakas ng pamilya dahil mas malaki ang posibleng iahon ng negosyo kung masaya at nagkakaisa ang pamilya. Involved ang lahat sa family business kaya dapat mai-promote ang mabubuting asal. Mas nakikita ng tao ngayon ang kahalagahan ng pagiging tao. Example, webinars na pampamilya, mga devotional books, activities na pampamilya na puwedeng indoor, mga family counsellors, inspirational talks o activities at products, atbp.

5. Pagtulong sa Kapwa – Karugtong ng point no.4, malaki ang magiging business ng may kinalaman sa pagtulong sa kapwa. Hindi malaki ang kita pero may self-satisfaction at sense of fulfillment o pakiramdam na matagumpay sa buhay dahil kasama ka sa pagtulong sa kapwa. May mga grants o tulong galing sa gobyerno o ibang bansa na puwedeng makuha at gagawa lamang ng programang makatutulong sa community. Maging ang mga malalaking kompanya ay naghahanap ng puwede nilang katuwang sa pagtulong. Gusto ng mga tao ngayon na tangkilikin ang mga produktong nagsasabing tumutulong sa community.

6. Servicing Small Companies – Maraming magsisimula ng negosyo muli at maraming maliliit. Mangangailangan sila ng mga makakatulong sa kanilang negosyo para sa kanilang operations at efficiency. Halimbawa ang serbisyo ng pagde-deliver, at kung may 5 small businesses puwede silang maghati-hati sa delivery service nila o sa messengerial na needs nila. Example, Accounting Services (BVG Accounting & Business Consultancy, kompanya namin) shared office location, HR na personnel na paghahatian, atbp.

7. Computer programs, applications, online – Siyempre, mahalaga na magkaroon ng maayos na internet at mas mabenta kung may sariling application, website o mga e-commerce na paraan para makabenta. Lamang ang negosyong maalam sa paggamit ng technology. Puwede ka ring magtayo ng kompanya na tutulong lalo na sa nag-uumpisa kung paano nila magagamit ang online o internet sa pagbenta. Example, marketing company na gagamit ng social media, paggawa ng website at pag-maintain, mga I.T. solutions, paggawa ng applications, atbp.

Ilan lamang ito sa mga kategoryang sa tingin kong bebenta sa darating na panahon. Mahalagang maintindihan mo ang negosyong papasukin mo dahil mas maiiwasan ang pagkalugi mo kung mas maraming pag-aaral ang gagawin mo bago pumasok sa negosyo. Para sa mga ilan pang katanungan, maaari ninyo akong ikonsulta, i-email ninyo ako sa [email protected].  Kung may pangangailangan sa Accounting, Taxation, Audit o anumang business-related, matatawagan ninyo ako sa 0917-876-8550.



Si Doc Benj ay isang consultant sa business, professor at CPA.

Comments are closed.