BAGONG TULAY SA CAGAYAN, GUMUHO

ISANG bagong gawang tulay sa Barangay Alibago sa bayan ng Enrile sa lalawigan ng Cagayan ang bumagsak bago pa man magamit na nagdulot ng pag-aalala sa kaligtasan at accountability ng proyekto.

Dahil dito, nanawagan si Enrile Mayor Miguel Decena Jr. ng agarang pagpupulong kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Office no. 2, 3rd District Engineering Office upang suriin ang kaligtasan ng istruktura na may mga bitak na rin sa pundasyon.

Sa live broadcast sa Facebook ni Mayor Decena ibinunyag nito na dati na siyang nagsampa ng kaso laban sa proyekto ng tulay ngunit ito ay naibasura.

Hinihingi niya ngayon ang kopya ng feasibility study at detalyadong disenyo ng engineering para sa transparency.

Lalo pang lumala ang kontrobersya nang makita ang karatula ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) malapit sa lugar na nagsasabing ang lugar ay isang “no-build zone.”

Nagdulot ito ng tanong kung bakit itinuloy ang proyekto sa kabila ng restriksyon.

Upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista, inatasan ni Mayor Decena ang paglalagay ng warning at detour signs na idinirekta ang trapiko sa isang kalapit na service road.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang DPWH hinggil sa insidente.

Patuloy namang hinihintay ng publiko ang paliwanag at nananawagan ng pananagutan upang maiwasan ang posibleng panganib sa mga susunod na proyektong pang-impraestruktura sa rehiyon.

RUBEN FUENTES