HINDI malabong makapasok sa Pilipinas ang mga bagong variant ng Omicron na nagdudulot ngayon ng COVID-19 surge sa ilang mga bansa sa Europa at Southeast Asia.
Ito ang inihayag ni health reform advocate Dr. Anthony Leachon, bukod sa bukas na ang border ng Pilipinas para sa international travelers ay napakataas na rin ng mobility ng mga tao sa pinaluwag na restriksyon.
Aniya, mainam kung paghahandaan ng bansa ang posibleng pagpasok ng mga bagong variant sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Naniniwala rin ang mga eksperto na nakatulong ang pagkakaroon ng bansa ng iba’t ibang brand ng bakuna para mapalakas ang immunity kontra COVID-19.
Ito rin ang nakikita niyang dahilan kung kaya’t nananatiling mababa ang arawang kaso ng virus sa bansa.
Samantala, suportado naman ni Leachon ang pagtuturok ng second booster dose.