BAGONG YUGTO SA KASAYSAYAN NG AMERIKA

JOE_S_TAKE

HABANG ako’y nagsusulat ay isa-isa nang lumalabas ang mga balita at mga litrato ni Joe Biden habang ito’y nanunumpa bilang bagong presidente ng Amerika. Si Joe Biden ang ika-46 na presidente ng US. Bunsod ng nangyaring kaguluhan sa US Capitol noong ika-6 ng Enero, tinatayang nasa 25,000 na National Guard ang naroroon upang siguraduhin ang seguridad ng lugar.

Itinuturing na makasaysayan ang inagurasyon ni Joe Biden bilang bagong presidente ng US dahil sa higpit ng seguridad sa lugar. Bukod pa rito, sa unang pagkakataon sa loob ng isa’t kalahating siglo, hindi dumalo ang paalis na presidente sa inagurasyon ng papalit sa kanya. Gaya ng binitiwang pahayag ni Trump bago permanenteng sinuspinde ng Twitter ang kanyang account, hindi ito dumalo sa nasabing inagurasyon. Huli itong nangyari noong 1869.

Bunsod ng mga restriksyong dala ng pandemyang COVID-19, ang inagurasyon ay hindi maaaring daluhan ng maraming tao ‘di tulad ng mga nakaraang inagurasyon ng mga dating pangulo ng US. Bilang resulta ng bayolenteng pagsugod ng mga taga-suporta ni Trump sa US Capitol, na naging dahilan ng paglikas ng mga mambabatas, at pagkamatay ng anim na katao, hindi matatawaran ang tindi ng seguridad ng nasabing inagurasyon.

Kasama sa mga dumalo sa inagurasyon ay tatlo sa dating pangulo ng bansa: Barack Obama, na pinagsilbihan ni Biden bilang bise-presidente sa loob ng walong taon; Bill Clinton at George W. Bush.

Sa huling pagkakataon ng paglipad ni Trump gamit ang Air Force One papunta sa kanyang bagong bahay sa Palm Beach golf club residence, iiwan naman ni Trump ang isang madrama at magulong klase ng pamamahala.

Lilisan si Trump dala ang matinding kahihiyan sa lahat ng naganap sa ilalim ng kanyang pamumuno, maging sa nalalabing mga araw nito bilang pangulo. Baon din niya ang dalawa sa apat na impeachment na isinumite laban sa presidente sa kasaysayan ng US. Siya rin ang may pinakamababang job approval rating sa lahat ng mga naging pangulo ng US.

Napabalita pang ang mga bangko na dati’y naninilbihan sa kanya noong siya’y pangulo pa ng bansa ay ayaw nang makipagtrabaho sa kanya. Kinansela rin ang isang malaking torneo ng golf na nakatakdang ganapin sa isa sa kanyang mga golf course. Malaki rin ang posibilidad na siya ay sampahan ng kaso ng Senado ng US dahil sa pagsisimula ng kaguluhan na naganap sa Capitol kamakailan.

Maging ang mga grupong nagpakita ng matinding suporta sa mga Republican na mga politiko ay muling inaaral at pinag-iisipang mabuti ang kanilang posisyong politikal.

Ang pinuno ng Senado na si Mitch McConnell ay isa ring Republican. Ayon sa kanyang pahayag, ang grupo ng mga taong sumugod at nanggulo sa US Capitol ay hinikayat ni Trump sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga kasinungalingan. Mayroong ebidensiya nito sa tradisyonal na media at maging sa social media. Sa kasamaang palad, sa ganitong paraan maaalala si Trump.

Ang maituturing na pinakamalaki at pinakamatinding pagkabigo ni Trump ay ang kakulangan nito ng aksiyon sa pagtugon sa pandemyang COVID-19. Sa kanyang huling araw bilang pangulo ng US, umabot sa 400,000 ang naitalang nasawi sa bansa dahil sa COVID-19.

Sa pag-uumpisa ng taong 2021, ang pagsisimula ng pamumuno ni President Biden ay maituturing na isang magandang pagkakataon upang umpisahang burahin ang mga alaala ng mga hindi magandang pangyayari sa bansa. Nangako naman si Biden na paghuhusayan nito ang kanyang trabaho, lalo na ang pagtugon ng bansa sa pandemya.

Inaasahan ding magiging mabilis ang aksiyon ni Biden patungkol sa mga inisyatiba at hakbang upang baligtarin at bawiin ang pag-atras ni Trump sa Paris climate accord. Inaasahan ding tatanggalin ni Biden ang travel ban na ipinataw ni Trump sa mga dayuhan na magmumula sa mga Muslim na bansa. Marami rin ang umaasa sa pagkakaroon ng batas ukol sa pagiging ganap na mamamayan ng humigit kumulang 11 milyong imigrante na naninirahan sa US.

Tinapos ni Biden ang kanyang huling talumpati bago ang araw ng kanyang panunumpa sa pagbibitaw ng pahayag na hindi lamang naaangkop sa Amerika kundi pati sa ibang mga bansang nakikipaglaban sa pandemyang COVID-19. Sinabi niya, “I know these are dark times, but there’s always light. That’s what makes this state so special, that’s what it taught me… there’s always light.”

“Twelve years ago I was waiting at the train station in Wilmington for a Black man to pick me up on our way to Washington where we were sworn in as President and Vice President of the United States of America and here we are today, my family and I, about to return to Washington to meet a Black woman of South Asian descent to be sworn in as President and Vice President of the United States,” dagdag ni Biden.

Ang pinakamatinding hamon kay Biden sa kasalukuyan ay ang paghihilom ng sugat na iniwan ng sinundan nitong pamunuan na siyang nakaapekto sa demokrasya ng Amerika. Tila mas mahirap pa ito kaysa sa paglaban sa pandemya. Kakailanganin niyang muling ibuklod at pag-isahin ang mga mamamayan nito.

Gaya nga ng karaniwang paniniwala, ang sugat ng nakaraan ay naghihilom sa paglipas ng panahon. Ang pag-upo ni Biden sa posisyon ay nagsisilbing hudyat ng pagsisimula ng muling pagbangon ng Amerika mula sa kinasadlakan nitong kahihiyan at kaguluhan. Ito na ang bagong simula para sa Amerika.

Comments are closed.