Bagoong Balayan negosyo ng henerasyon

SMALL scale na negosyo lang talaga nagsimula ang Bagoong Balayan sa Batangas, pero ipinagmamalaki nila ito dahil dugo at pawis ang kanilang puhunan.

Maraming backyard producers ng bagoong at marami ring bumibili nito kaya naging bukam-bibig nan ga ang Bagoong Balayan. Bawat gumagawa at may sariling secret mixture para sa kanilang bagoong na produkto. Ang nasabing mga formula ay mula pa sa kanilang kanunu-nunuan.

So, anon ga ba ang Bagoong Balayan at paano ito ginagawa?

Kumbinasyon ito ng sariwang isda at asin na binubulok o sumasailalim sa fermentation. Brownish ang kulay, maalat at syempre, amoy at lasang isda, what do you expect? Pinagsasama ang isda at asin at inilalagay sa tapayan (large earthen jar) sa loob ng 4 hanggang 6 na buwan para sa fermentation. Mas matagal, mas masarap. Parang alak lang.

May dalawang klase ng bagoong. Ang special bagoong ay gawa sa dilis, at ang ordinaryong bagoong ay gawa sa galunggong. Mas masarap ang bagoong kung sariwa ang isda. Actually, kahit anong isda ay pwedeng gawing bagoong, pero sa Balayan, dilis at galunggong lamang ang ginagamit.

Saan mang panig ng Pilipinas, paboritong sawsawan ang patis at bagoong. Ang patis ay galing din sa Bagoong, FYI.

Mayaman ang bagoong sa protina at mura pa kaya hindi ito nawawala sa mesa. Masarap din itong panghalo sa gulay lalo na sa pakbet. – LEANNE SPHERE