BAGS, KAHON BAWAL SA SIMBAHAN SA DAVAO

Davao Archbishop Romulo Valles-3

HINDI na maaari pang magdala ng mga malalaking bags, tulad ng mga backpack at knapsacks, gayundin ng mga kahon, karton at mga kaha­lintulad nito, sa loob ng mga simbahan sa Davao.

Ito ay batay sa ini­labas na circular letter ni Davao Archbishop Romulo Valles.

Nakasaad sa circular na ito ay  bahagi ng ipatutupad na ‘security measure’ ng simbahan,  sa pakikipagtulungan na rin ng Philippine National Police.

Ayon kay Valles, tanging maliliit na bag na lamang ang maaring ipasok sa loob ng mga simbahan upang matiyak na walang lamang pampasabog ang mga ito.

“Brothers and Sisters, due to the current peace and order situation vis-à-vis of violence, please be informed that starting today, for all churchgoers, is not allowed to bring with you bags, backpacks, knapsacks, boxes, cartons and the like into the church. Only small purses and the like are allowed. Please be guided accordingly,” bahagi ng circular letter ni Valles na ipinamahagi sa mga simbahan at kapilya sa Davao.

Nabatid na nagpa­labas na rin ng kaha­lintulad na direktiba si Davao City Mayor Sarah Duterte para sa mga simbahan at iba pang lugar, kasunod nang naganap na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.

Matatandaang nitong Linggo, Enero 27, ay naganap ang kambal na pagsabog sa Jolo Cathedral kung saan namatay ang mahigit 20 katao.

Dalawa naman ang patay sa pagsabog sa isang mosque sa Zamboanga City kahapon ng madaling araw. ANA ROSARIO HERNANDEZ