BAGSAK-PRESYO NG GASOLINA SA BULACAN HANDANG IMBESTIGAHAN

HANDANG mag-imbestiga ang mga mambabatas sa Bulacan hinggil sa napababalitang mas murang halaga ng gasolina sa ilang bahagi ng Bulacan partikular sa Malolos City kumpara sa mataas na halaga nito sa Metro Manila para mabatid kung bahagi lamang ito ng kanilang estratehiya para makahimok ng mas maraming kostumer.

Ito ang tiniyak ni Cong. Jose Antonio Sy-Alvarado (1st District, Bulacan) na nakasasakop sa Malolos City matapos kumalat ang impormasyong nagpapababaan ng presyo ng petrolyo ang mga gasolinahan sa nasabing siyudad partikular sa Barangay Pinagbakahan.

Bagamat nakatutok si Alvarado sa pagkakaloob ng medical mission sa kanyang distrito na kinabibilangan ng Paombong, Hagonoy, Calumpit, Pulilan at Bulakan bukod pa sa Malolos City, maaari itong maglaan ng oras para mabatid kung bahagi lamang ng strategy ng mga may-ari ng gasolinahan sa lungsod ang murang diesel at gasolina sa kaliwa’t kanang gasoline stations sa siyudad upang dayuhin sila ng mga motorista.

Nakumpirmang hindi lamang sa Malolos City nagkakaroon ng mas murang halaga ng diesel at gasolina kundi maging sa bayan ng Balagtas ay nangyari na ito may ilang buwan na ang nakararaan upang makahimok ng mga tricycle at PUJ drivers na doon magpakarga ng petrolyo na mas mura ng hanggang limang piso bawat litro.

Hindi na binanggit ang pangalan ng mga gasoline station sa Bulacan na kayang magbaba ng presyo ng gasolina at diesel para sa “friendly competition” dahil legal ang kanilang estratehiya para makahimok ng mas maraming kostumer at mga motorista ang nakikinabang sa bagsak-presyong gasolina bagamat halos balik-puhunan lamang ang kanilang benta.    A. BORLONGAN

Comments are closed.