DUDA ang Department of Agriculture (DA) na ang pag-iipit ng supply ng ilang traders at millers ang nasa likod ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, may ilang negosyante at millers ang maaaring sinasamantala ang implementasyon ng Rice Tariffication Law, na nag-aalis sa quantitative restrictions sa bigas at nagpapataw ng 35-percent tariff sa imports mula sa mga kalapit-bansa sa Southeast Asia.
“Malaki po ang problema [on hoarding] kasi of course, as a result of the RTL [rice tariffication law] mayroong anim na pumasok na, ‘di ba, na mga imports at the same time when the RTL was being finalized that season, ibinagsak na nila ang presyo ng palay. Paano mo mai-attribute na RTL ‘yan?” wika ni Dar.
Babala ng kalihim, tutugisin ng gobyerno ang mga mapagsamantalang trader at miller na sangkot sa pagtatago ng rice supplies.
“May nagsasamantala and we see to it that we will apply the full force of the law in hoarding,” aniya.
Nauna rito ay umapela ng tulong ang mga magsasaka sa pamahalaan sa pagbagsak ng presyo ng palay sa P7 kada kilo kasunod ng pagpapatupad ng rice tariff law.
Sa ilalim ng batas ay nilikha ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nagkakahalaga ng P10 billion. Nagkakaloob ito ng safety nets para sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mas magandang farming tools, seeds, at iba pang interventions upang mapataas ang kanilang produksiyon.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), may kabuuang P6 billion ang ipinalabas na ng RCEF, at ang nalalabing P4 billion ay ipalalabas bago matapos ang taon. PILIPINO Mirror Reportorial Team