BAGSAK-PRESYO NG PETROLYO SA BULACAN IIMBESTIGAHAN

PETROLYO_4

NAKATAKDANG imbestigahan ng Department of Energy (DOE) ang petrolyo sa ilang gasolinahan sa Bulacan na ibinebenta nang mas mababa kumpara sa Metro Manila, ayon sa isang opisyal ng ahensiya.

Diumano, nasa P36 hanggang P38 ang kada litro ng diesel sa ilang gasolinahan sa Bulacan, mas mababa ng P4 hanggang P6 sa diesel na ibinebenta sa Metro Manila, habang nasa P38 hanggang P40 naman ang kada litro ng gasolina, mas mababa ng higit P10 kaysa presyo ng gasolina sa Metro Manila.

Sinabi ni Energy Undersecretary Donato Marcos na pupuntahan nila ang mga gasolinahan para alamin kung bakit mas mababa ang presyo nila at kung ligtas ba itong ikarga.

“It is beneficial to the public dahil mura siya. Okay ‘yon. Pero titingnan natin ang standards, quality ng kanilang ibinebenta kasi baka naman mayroon silang ibang consideration which is not aboveboard,” ani Marcos.

Balitang dinarayo pa ng mga motorista ang ilang gasolinahan sa Bulacan dahil sa mas murang langis.

“May dagdag sa amin na kita. Kasi mura lang eh, sana ganito lagi,” sabi ng isang jeepney driver na nagpapakarga ng mababang presyo ng langis sa Bulacan.

“Mura siya sa lahat ng napuntahan ko rito saka malaki iyong matitipid,” ayon naman sa isang moto­rista.

TAPYAS SA GAS MULING INAASAHAN

Samantala, namumuro na naman ang bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Kung matutuloy, ito na ang ikapitong sunod na linggong may bawas-presyo.

Sa unang tatlong araw ng kalakaran sa pandaigdigan merkado, P1.73 na ang iminura ng imported diesel habang P0.67 naman sa gasolina.

Subalit maaari pa itong magbago depende sa trading hanggang ngayong araw.

Comments are closed.