BAGSIK NI FLORITA: 3 PATAY, 4 SUGATAN

BAGO tuluyan lumisan si Tropical Storm Florita, nagtala ito ng tatlong patay at apat na sugatan base sa ibinahaging ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Subalit, nilinaw agad ng NDRRMC na sa napaulat na tatlong nasawi, dalawa pa lamang sa mga ito ang nakumpirma.

Sa ulat ng NDRRMC, isa sa mga ito ay 63-anyos na lalake mula sa Cagayan na sinasabing nabagsakan ng puno ang sanhi ng pagkamatay habang ang isa naman ay 56-anyos na lalake mula Kalinga ang nabasag ang bungo nang mabagsakan ng malaking puno.

Sa ngayon ay mayroon pang bineberipika ang mga kinauukulan hinggil sa umano’y pagkamatay rin ng isang 32-anyos na lalake mula Camarines Sur matapos itong malunod nang dahil sa pananalasa ng bagyo.

Samantala, nakapagtala rin ang NDRRMC ng apat na katao na sugatan, tatlo dito ang mula sa Cagayan matapos namang mabagsakan ng puno habang ang isa naman ay mula sa Bicol region.

Nauna nang iniulat ng ahensiya na pumalo na sa 11,953 pamilya o may katumbas na 47,169 na mga indibidwal mula Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Cordillera Administrative Region (CAR), at Metro Manila ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Florita.

Nasa kabuuang 1,726 pamilya rin ang kasalukuyang nasa mga evacuation center habang nasa 1,062 mga household ang pansamantalang nakikituloy ngayon sa kani-kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Nag-iwan din ng 30 napinsalang mga kabahayan sa Northern Luzon, 21 mga kalsada at 13 mga tulay sa mga apektadong lalawigan si bagyong Florita ayon sa datos ng NDRRMC. VERLIN RUIZ