BAGSIK NI KRISTINE: 46 PATAY, 20 NAWAWALA

LUMOBO na sa 46 katao ang naiulat na nasawi dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami), ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Patuloy naman ang rescue workers na nakikipagsapalaran sa mataas na tubig-baha para masaklolohan ang mga residente na na-trap sa mga bubungan ng kani-kanilang mga bahay.

“Many are still trapped on the roofs of their homes and asking for help,” ang sinabi ni PBGen. Andre Dizon, regional police director (PRO)5 for the hard-hit Bicol region, sa AFP.

“We are hoping that the floods will subside today, since the rain has stopped,” aniya pa rin.

Sinabi pa rin ni Dizon na ang kakapusan sa rubber boats ang “the greatest challenge” subalit mas marami naman ang paparating na.

Base sa data mula kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, karamihan sa mga naiulat na nasawi ay mula sa Bicol Region na may 28 sumunod ang Ca­labarzon na may 15. Sinasabing tig-isa ang nasawi na naiulat mula sa Ilocos Region, Central Luzon, at Zamboanga Pe­ninsula.

Sinabi pa ng OCD na may 20 katao ang naiulat na nawawala at pito naman ang naiulat na nasugatan dulot ng nabanggit na bagyo.

EVELYN GARCIA/VERLIN RUIZ