BAGSIK NI OMPONG: NORTHERN LUZON SINALANTA

BAGYONG OMPONG

MILYON-MILYONG residente ang tinatayang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Ompong sa Northern Luzon.

Nabigo ang pagnanais na zero casualties ng pamahalaan sa pagtama ng Bagyong Ompong dahil may naitala ring nasawi sa Baguio City bunsod ng pagguho roon.

Labis ding napuwerhisyo ang Luzon partikular sa Cagayan, Isabela, La Union at maging sa Pampanga bunsod ng pagtama ng bagyong Ompong.

Ala-1:40 ng madaling araw kahapon nang mag-landfall ang bagyo sa Baggao, Cagayan na napaaga kaysa sa unang pagtaya noong Biyernes.

As of 4 p.m. kahapon, tinaya na lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa pagitan ng alas-8 hanggang alas-10 ng gabi dahil kumikilos ito sa bilis na 25 kilometro kada oras pakanluran hilagang kanluran.

Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 160 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.

Taglay ni Ompong ang lakas ng hangin na 160 kilometro kada oras at may bugsong umaabot sa 195 kilometro kada oras.

Nakataas ang tropical cyclone warning signal number 3 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Benguet.

Signal number 2 sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, at Aurora.

Habang signal number 1 sa Metro Manila, Bataan, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, Lubang Island, at Northern Quezon kasama ang Polillo Islands.

OMPONG MASDAN ANG GINAWA MO

Samantala, dahil sa pagpasok ni Bagyong Ompong taglay ang signal number 4 sa Cagayan at Northern Isabela, katakot-takot na danyos ang naitala gaya ng pagbaha, pagguho, paglubog ng tani­man, pagkaputol ng puno at pagkabuwal ng mga poste.

LANDSLIDES SA BAGUIO CITY, 4 ANG PATAY

Sa Baguio City, Benguet, apat katao ang nasawi sa limang landslides sa magkakahiwalay na lugar.

Batay sa ulat, naitala ang pagguho sa Brgy. Bakakeng, Baguio City kung saan dalawang magkapatid ang nasawi.

Isang bahay rin ang natabunan ng gumuhong lupa sa Itogon, Benguet kung saan missing ang dalawa katao habang namatay ang mag-ina, pagkasugat ng pito katao kabilang ang mga mi­nerong nag-rescue  at  sa Loacan ay isang bahay rin ang naguhuan kung saan pinangangambahang nasawi ang isang ina.

Binaha naman ang strawberry farm sa La Trinidad habang sa Tubao, La Union, 16 katao rin ang biktima ng pagbaha.

MGA PANANIM SA CAGAYAN DUMAPA

Kalunos-lunos naman ang mga maisan sa Cagayan dahil nagsidapa ang mga ito sa pagdaan ng bagyo.

Comments are closed.