BAGUHIN ANG MGA SIYUDAD, UNAHIN ANG MAHIHIRAP NA KOMUNIDAD

(Pagpapatuloy)
NOONG isang buwan ay naisulat ko rito sa aking kolum ang tungkol sa mga pagbabagong mainam gawin sa ating mga komunidad sa siyudad upang matugunan ang mga pangangailangan ng tao, lalo na sa harap ng pandemya at iba pang krisis na maaaring maganap sa hinaharap. Narito ang pagpapatuloy ng kolum na iyon.

Maaaring mahirap gawin na mabawasan ang mga bahay na masyadong maraming taong nakatira kaya kinakailangang magtulungan ang pribadong sektor at pamahalaan upang mabigyan ang mas marami ng abot-kayang pabahay, lalo na ang mga mahihirap.

Kailangan ding dekalidad ang mga bahay na ito, may sapat na espasyo sa labas at may mainam na bentilasyon. Kung nais magtanim o maglaro ang mga bata, mabuti sa kalusugan ang mayroong maliit na espasyo sa labas para sa mga gawaing ito. Hindi dapat mawala ang mga green spaces sa bawat komunidad sapagkat dito maaaring magpunta ang tao kung nais makalanghap ng sariwang hangin.

Sa kasalukuyan ay kulang na kulang ang mga amenities para sa mga mahihirap na komunidad. Ang mga halimbawa nito ay ang mga sidewalk, mga tindahan ng sariwang pagkain, dekalidad na healthcare centers, ventilation system, mga tagalinis, at iba pa.

Kailangang pag-aralang mabuti ng mga kinauukulan ang bagay na ito upang masigurong maayos ang serbisyo at pasilidad para sa mahihirap, hindi lamang para sa mga mayayaman.

Noon siguro akala natin ay ayos lang na tingnan lamang ang kapakanan ng sarili nating pamilya o sariling komunidad. Dahil sa pandemya, alam na natin ngayon na hindi ito uubra. Magkakarugtong ang mga bagay-bagay at may relasyon tayo sa isa’t isa. Ang mahina ay atin ding kahinaan.