BUBUKSAN na ang Baguio City sa mga turista mula sa Metro Manila, Cagayan Valley, at Central Luzon simula sa Oktubre 22.
Ang desisyon ng Baguio City na muling tumanggap ng mga bisita at turista ay ikinatuwa ng Department of Tourism (DOT).
Ang pagbubukas sa Baguio sa mga turista ay inanunsiyo sa DOT-Baguio Post Opening Assessment na isinagawa kahapon, kasama sina Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, Mayor Benjamin Magalong, Representative Mark Go, at ng tourism stakeholders ng lungsod.
“Listening to visitors’ and stakeholders’ feedback will be essential for us to keep improving the tourism experience in Baguio, which is the goal of this meeting,” sabi ni Puyat.
Ang hakbang ay inaasahang makatutulong sa mabilis na pagbangon ng industriya ng turismo sa City of Pines na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, maximum na 200 visitors ang papayagan kada araw sa lungsod, na babantayan sa pamamagitan ng digital platform na tinatawag na Baguio Visitor Information and Travel Assistance (VISITA) app.
Ang app ay gagamitin din sa pag-input ng mga kinakailangang dokumento na isusumite ng mga turista.
Sa pahayag ng DOT, ang VISITA app ay nakatanggap na ng 2,000 registrations at 200 travel requests magmula nang opisyal itong ilunsad noong nakaraang Setyembre 22.
Ang booking itineraries sa pamamagitan ng isang DOT-accredited tour agency ay ioptional na ngayon, subalit ang mga turista ay kailangan pa ring mag-book sa isang DOT-accredited accommodation establishment na may Certificate Authority to Operate.
“Now that we have an actual visitor count, the city has an important reference point and valuable feedback on how to move forward from this initial opening period,” dagdag ni Puyat.
Nauna nang binuksan ng City of Pines ang borders nito sa mga turista mula sa Ilocos Region noong Oktubre 1 upang pasimulan ang local economy.
Comments are closed.