BAGYONG DODONG: LIBO KATAO INILIKAS

INILIKAS ang mahigit 1,419 indibidwal o 400 pamilya dahil sa pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon na pinalakas ng Tropical Storm Dodong (international name Talim), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo.

Base sa ipinalabas na situational report ng NDRRMC na 36 na evacuation centers sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas ang binuksan para pansamantalang tirahan ng evacuees.

Samantala, umaabot sa 89 katao o 54 pamilya ang nananatili sa labas ng mga evacuation center.

Sinabi ng NDRRMC na mahigit 1,600 katao o 491 pamilya sa 39 na barangay ang apektado ng sama ng panahon.

Ayon pa sa NDRRMC, kailangan mag-ingat dahilan sa maari pang magdulot ng pagbaha at pagguho ng matataas na lugar sanhi ng tuloy tuloy na pagbagsak ng ulan.
EVELYN GARCIA