UPANG matiyak na ligtas sa pananalasa ng Bagyong Ineng, nasa 288 pamilya ang inilikas ng Office of Civil Defense sa Itbayat, Batanes.
Batay sa Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinaas na sa Tropical Cyclone Warning Signal No. 2 ang lalawigan kung saan noong Hulyo 27 ay tinamaan ng dalawang sunod na lindol.
Sa pahayag ni Dante Balao, regional director ng OCD, nasa halos 700 katao na naninirahan sa mga tent ang inilikas at dinala sa mga government structure na hindi naapektuhan ng lindol habang sa kanilang kamag-anak nakituloy ang ilan.
Una nang tiniyak ni Governor Marilou Cayco ang kanilang kahandaan sa magiging epekto ng bagyo kahit hindi pa man sila nakababangon sa pinsala ng lindol.
Samantala, bukod sa Batanes ay mino-monitor ng ahensiya ang sitwasyon ng Cagayan river na sa kasalukuyan ay nasa mababang antas pa rin ang lebel ng tubig. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM