Bagyong Julian posibleng maging Super typhoon

Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 3 sa Batanes at northeastern portion ng Babuyan Islands dahil maaaring mag-landfall dito ang bagyong Julian (Krathon) na kasalukuyang bumabayo sa norte at posible rin aniyang lumakas at posibleng umabot sa signal number 4 at ito ay maging super typhoon.

Batay sa 5 p.m. forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sinabi ni weather specialist Veronica Torres na napanatili ng typhoon Julian ang lakas nito habang kumikilos hilagang kanluran ng Philippine Sea sa hilaga ng Cagayan.Huling namataan ang bagyo sa 235 kilometers silangan ng Calayan, Cagayan.

 

Ito ay nagtataglay ng lakas na hangin na 120 kilometers per hour (kph) malakas sa sentro at bugso na aabot sa 150 kph. Kumikilos ito sa direksyong hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.

 

Sa loob ng 24 oras, posibleng ito ay nasa coastal waters na ng Sabang Island, Batanes. Kung hindi magbabago ang kilos nito maaring lumapit o maglandfall ang bagyo sa Batanes o Babuyan Islands sa Lunes batay sa forecast track ng Pagasa.

Sa loob naman ng 48 hours posible itong nasa 150 kph west northwest ng Itbayat, Batanes. Pagdating naman ng 72 hours, sa October 2, ito ay nasa 305 kilometers hilaga ng Itbayat, Batanes.

Signal Number 2 naman sa Mainland Cagayan, nalalabing bahagi ng Babuyan Islands,Apayao, northern at central portions ng Ilocos Norte.

Signal Number 1 naman sa nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union,Abra, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, Benguet,Isabela, Nueva Vizcaya,Quirino, northern and central portions ng Aurora.

Asahan naman ang mga bugso ng malalakas na sa Aurora, CALABARZON, Romblon at Bicol Region at sa Lunes naman sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Aurora,Quezon, , Romblon at Bicol Region.

Bukod sa malalakas na hangin, asahan ang matitinding ulan lalo na sa lugar na may warning signal ngayong Linggo, Setyembre 29. Batay sa ulat ng metro weather, light to torrential rains ang mararanasan sa malaking bahagi ng Luzon mula Lunes hanggang Miyerkoles.

Posible rin ang pag- ulan sa Metro Manila. Light to intense rains naman sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia