BAGYONG KABAYAN: 700 PAMILYA NASA EVAC

DAVAO ORIENTAL- NASA 700 na pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center dulot sa mga pagbahang dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan dahil sa Bagyong Kabayan.

Ayon kay Davao Oriental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Head Francis Jason Bendulo, pinakamatinding naapektuhan ang bayan ng Caraga, kung saan may 630 na pamilya ang nasa evacuation centers, 480 dito ay sa Brgy. Sto. Niño at 150 Brgy Poblacion.

Ayon kay Bendulo, patuloy ang pag-validate sa datos sa ibang barangay na may maraming pamilyang inilikas rin dahil sa baha.

Samantala, may 61 pamilya naman ang nasa evacuation center sa Brgy. San Isidro sa bayan ng Cateel.

Kinumpirma rin ng PDRRMO na may naitalang nawawalang isang na lalaki matapos malunod sa baha sa Brgy. Holy Cross sa bayan ng Manay.

Patuloy rin ang pag-validate ng PDRRMO sa mga istrukturang nasira dahil sa baha at landslide, ngunit sa inisyal na assessment ng ahensya may naitalang dalawang bahay sa bayan Bagangga ang totally damaged matapos tangayin ng rumaragasang tubig, habang isang tulay naman ang nag-collapse sa Brgy. Lamiawan sa bayan ng Caraga.

Sa ngayon, patuloy ang mga LGU at PLGU sa pamamahagi ng pasiunang mga relief goods sa mga apektadong pamilya.

Nanawagan naman ng kaunting tulong ang Davao Oriental PLGU sa mga mamamayan katulad ng mga damit, pagkain, at tubig upang maibigay sa mga binagyong residente sa probinsya. EVELYN GARCIA