BAGYONG KRISTINE LALABAS NG PAR SA BIYERNES, ISANG LPA BINABANTAYAN NG PAGASA

BAHAGYANG bumagal ang bagyong Kristine matapos mag -landfall sa Isabela madaling araw ng Huwebes, habang itinaas naman sa signal number 3 ang 16 na lugar bago ito inasahang tuluyan nang lilisan sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng hapon matapos tumawid sa Northern Luzon patungo ng West Philippine Sea (WPS).

Kasunod nito ay may bagong low pressure area (LPA) na posibleng maging tropical depression ang binabantayan ng weather bureau sa labas ng bansa.

Sa 4 a.m. bulletin ng Oktubre 24 ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Administration (PAGASA) bumagal ang bagyong Kristine na huling namataan sa bahagi ng Tumauini sa lalawigan ng Isabela, taglay ang hanging umaabot sa 95 kilometers per hour(kph), at may pagbugso na umaabot ng 160 kph. Bahagya namang bumagal ang pagkilos nito patungong kanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.

Nakataas ang Tropical Typhoon Wind Signal Number 3 sa katimugang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino,Nueva Vizcaya, Kalinga,Mountain Province, Ifugao, katimugang bahagi ng Abra, Benguet, hilaga at gitnang bahagi ng Aurora, hilaga at gitnang bahagi ng Nueva Ecija, hilagang bahagi ng Tarlac, hilagang bahagi ng Zambales, Pangasinan,La Union,gitna at katimugang bahagi ng Ilocos Sur.

Typhoon Wind Signal Number 2 naman ngayon sa Metro Manila, Ilocos Norte,natitirang bahagi ng Ilocos Sur, Apayao, natitirang bahagi ng Abra, natitirang bahagi ng Cagayan, Babuyan Islands, natitirang bahagi ng Aurora, natitirang bahagi ng Nueva Ecija,Bulacan, natitirang bahagi ng Tarlac,Pampanga, natitirang bahagi ng Zambales, Bataan,Cavite, Laguna,Rizal Batangas,hilaga at gitnang bahagi ng Quezon,Polillo Island,at Lubang Island.

Typhoon Wind Signal Number 1 naman sa Batanes, natitirang bahagi ng Quezon, natitirang bahagi ng Occidental Mindoro,Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon,hilagang bahagi ng mainland Palawan,Calamian Islands,Cuyo Islands, Camarines Norte,Camarines Sur, Catanduanes,Albay,Sorsogon,Masbate, Ticao and Burias Islands, Aklan, Capiz, Antique, Caluya Island, Iloilo, Guimaras, Northern portion ng Negros Occidental,Cebu, Bantayan Islands,Camotes Islands, Northern Samar, Samar,Biliran, Northern Portion ng Eastern Samar, Leyte.

Malaki naman ang tsansa na ma-develop ang naturang LPA na maging isang tropical depression sa susunod na 24 oras.

May layo itong 2,300 kilometers northeastern Mindanao.

Pinag- iingat ang mga nasa flood at landslide prone areas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

MALA-DELUBYO SA BIKOL

Ipinaliwanag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na kaya nag-maladelubyo sa rehiyon ng Bicol ay dahil sa rami ng bumuhos na ulan sa Naga, Camarines Sur, katumbas ng halos ng 3 buwang pag -uulan.

Samantala, hindi bababa sa pitong tao ang nasawi habang libo libo naman ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan sa pananalasa ni Kristine partikular sa Luzon.

Sa Northern Luzon, mahigit 32,000 na ang mga residente na ang lumikas bunga ng pagbaha.

Nahirapan na rin ang mga rescuers sa Bicol Region sa pagsagip sa mga na -trap sa kanilang mga tahanan dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig at malakas na pag agos ng baha. Sa Naga City apat ang nalunod habang isang matanda, at bata at isa pa sa Manila ang namatay dahil sa mga pagbaha.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia