BAGYONG OMPONG MALAWAK ANG TATAMAAN

Typhoon Ompong

MALAWAK ang tatamaan ng bagyong Ompong, ayon kay National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC)  Executive Director at Office of Civil Defense Administrator Ricardo Jalad, at kasunod nito ay naglabas ng paalala ang Department of the Interior and Local Government sa mga lokal na pamahalaan sa peligrong dala ng typhoon Ompong.

“Ang importante kasi rito ‘yung early evacuation protocol na gagawin nila, base sa forecast ng PAGASA, there is the possibility of us feeling in those areas specially along the coastlines of Cagayan and the Western coast of Luzon, dito sa Ilocos Norte, puwedeng magkaroon ng storm surge, how high is that, titingnan pa ng PAGASA.

Ayon kay Jalad, inalerto na nila ang lahat ng government agencies na nasa ilalim ng NDRRMC dahil sa posibleng maging isang super typhoon si Ompong na as of 3 PM kahapon ay may lakas ng 205 KPH.

Samantala,  sa press briefing kahapon ay sinabi ni Jalad na bagaman inaasahang hindi singlakas ng bagyong Yolanda si Ompong ay preparado na ang NDRRMC at may koordinasyon na sila sa mga lokal na pamahalaan na puntirya ng bagyo.

Umaasa rin si Jalad na walang madidisgrasiya sakaling maitala ang sakuna sa kasagsagan ng bagyo.

Bagaman ilang araw nang inalerto o inilagay sa red alert status ng NDRRMC, umaasa si Jalad na maging zero casualty.

Muli ay nanawagan ang NDRRMC sa mga barangay chairman na agad abisuhan ang kanilang nasasakupan sa­kaling kailanganin ang pre-emptive evacuation at manatiling mag-mo­nitor sa PAGASA. VERLIN RUIZ

Comments are closed.