BAGYONG PEPITO PAPASOK NA NG PAR

HINDI pa man nakakalabas ng bansa ang bagyong Ofel ay may kasunod na itong panibagong bagyo na inaasahang papasok sa Philippine area of res­ponsibility (PAR) ang tropical storm na may international name na Man-Yi sa Huwebes ng gabi at tatawagin itong Pepito.

Ayon sa PAGASA, maaaring pumasok ang MAN-YI sa rehiyon ng PAR ngayong gabi bilang ‘PEPITO at sa pagtataya ng track, maaaring maglandfall si PEPITO sa silangang baybayin ng Luzon sa katapusan ng Linggo (Nobyembre 16-17).

Ayon sa weather bureau, ang tropical storm ay maaaring lumakas at maging severe tropical storm  at umabot sa typhoon category sa Huwebes ng hapon o gabi.

Maaaring umabot pa sa kategoryang super typhoon ang tropical cyclone, ayon sa PAGASA.

Sinabi ng PAGASA na huling namataan si Man-Yi sa layong 1,965 kilometro silangan ng Eastern Visayas na kumikilos pakanluran-timog-kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras (kph).

Taglay ng tropical storm ang lakas ng hanging aabot sa 65 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph.

EVELYN GARCIA