BAHA IS IN! LUBOG IS BACK!

MULI na namang nalubog sa baha ang maraming lugar sa bansa partikular ang Metro Manila matapos bumayo ang Bagyong Carina at Habagat.

Sa katunayan, kaagad isinailalim sa state of calamity dahil ang Metro Manila, Cavite, Batangas, Laguna at iba pang bahagi ng bansa dahil sa malawakang pagbaha.

Sa pinakahuling report ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), nasa 40 na ang death toll dulot ng bagyong Carina at Habagat na nakaapekto sa halos 2 milyong pamilya at mahigit P1 bilyon ang halaga ng danyos sa imprastruktura at agrikultura.

Kaugnay nito, lumutang ang mga panukalang pagkakaroon ng master plan para sa flood control bagaman isinusulong na rin sa Senado ang imbestigasyon sa matinding pagbaha lalo na sa Metro Manila.

Sa panayam ng DWIZ, inihirit ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., chairman ng Senate Committee on Public Works ang pagbuo ng flood management master plan.

Sinegundahan din ni Revilla ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangan nang repasuhin ang disenyo ng flood control projects gayundin ang maayos na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan..

Kaugnay nito,.ipinabatid ni Revilla ang imbestigasyon sa malawakang pagbaha kaya’t ipatatawag nila sa Senate hearing ang Department of Public Works and Highways,  Metropolitan Manla Development Authority, Department of Environment and Natural Resources at Department of Interior and Local Government.

Binigyang-diin ng Office of the Civil Defense ang kahalagahan ng pagbuo ng komprehensibong plano para masolusyunan ang problema ng pagbabaha at kakulangan ng tubig sa bansa.

Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang naturang plano ay dapat na nakabatay sa siyensya at maaaring sumaklaw sa 18 major river basins sa bansa.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng malalaking dam para sa flood control, levy system, irrigation canals, catch basins, relocation, landslide prevention, alarm systems and safety protocols at reforestation.

Batay sa pinakabagong advisory ng PAGASA, ang bansa ay nasa La Niña alert status, kung saan may 70% tsansa na mabuo ito mula ngayong buwan ng Agosto hanggang Oktubre at posibleng magpatuloy hanggang sa unang quarter ng 2025.

Samantala, nilinaw ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na nasa 30% pa lamang ang nakukumpleto completion ng flood management master plan sa Metro Manila.

Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ng kalihim na kabilang sa pinagtutuunang pansin ng ahensya ang pagkukumpuni sa mga waterways o daluyan ng tubig.

Tiniyak naman ni Bonoan na gagawin nila ang lahat upang maipatupad ang nasabing plano att nakikipagtulungan na rin aniya sila sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang maiwasan ang matinding pagbaha.

Mas nakikinig pa ang ibang bansa kaysa sa Pilipinas sa mga rekomendasyon ni Architect at Urban Planner Felino Palafox, Jr. laban sa pagbaha.

Ipinabatid ito mismo ni Architect Palafox sa gitna na rin ng mga isinusulong na pagbuo ng master plan para sa flood control matapos bahain ang malaking bahagi ng bansa kabilang ang metro manila dahil sa Bagyong Carina at Habagat.

Giit ng arkitekto na noon pa ay naipaabot na niya sa gobyerno na mas titindi pa ang pagbaha lalo na matapos ang Bagyong Ondoy.

Apela naman ng SIYASAT Team sa mga kinauukulan lalo na sa national government na gawin na ang lahat para hindi na magtiis pa o maapektuhan ang mga Pilipino sa pagbaha dahil sadyang marami nang paghihirap ang dinaranas ni Juan dela Cruz.

Para sa patas na pagtalakay, patuloy na nakikipag-ugnayan ang SIYASAT Team ng DWIZ 882 sa mga kinauukulan pang ahensya ng gobyerno upang higit na malinawan ang issue.