BAHA, KURYENTE, PAGKAIN, SIRANG BAHAY PROBLEMA SA CALABARZON

LAGUNA- DALAWANG araw matapos ang grabeng pananalasa ni Paeng sa bansa, tumambad sa libo- libong residente ng CALABARZON ang imahe ng pinsalang iniwan ng bagyo kung saan nalantad sa sikat ng araw ang mga bahay na nasira, ang mas lalong lumaking tubig baha, ang 24 oras ng brown- out sa ilang bayan at ang pangangailangan ng pagkain at inumin ng mga natitira pang evacuees sa mga evacuation center ng mga LGU’s.

Sa lalawigan ng Laguna, 18 barangay mula sa bilang na 33 ang nananatiling baha at hindi pa rin madaraanan ng mga maliliit na sasakyan at 24/7 ang ginawang clearing operation ng mga LGU sa mga bumarang puno sa highway.

Idineklara naman ng Sangguniang Bayan ng Mabitac na isailalim sa State of Calamity ang naturang bayan sanhi ng paglubog sa tubig ng mga palayan, mga nasirang bahay at ang pananatiling lubog sa tubig ng kanilang mga barangay.

Sinabi naman ng PDRRMO ng Laguna na maaari ng madaanan ng mga sasakyan ang major roads mula Sta. Cruz hanggang San Pedro at maging ng diversion road mula Muntinlupa papuntang Calamba City.

Sa tala ng Laguna DSWD office, may nalalabi pang 24 na pamilya ang nasa evacuation center ng ilang LGU at maaari na umanong pabalikin sa kani- kanilang tahanan sa araw ng undas.

Base sa record ng tanggapan ni Laguna Governor Ramil Hernandez, may 21 bahay sa lalawigan ang tuluyang nagiba ni Paeng at mahigit 100 naman ang partially damaged. Patuloy naman ang pamimigay ng tulong at ayuda ng DSWD sa mga naapektuhan ng bagyo.

Samantala, naitala naman ng PDRRMO ng Quezon ang mahigit 2 libong kabahayan sa nasabing lalawigan na nasira ng hangin at ulan at 3 malalaking tulay ang bumagsak at libong hektarya ng palayan ang dumapa sa putik at lumubog sa baha. ARMAN CAMBE