BULACAN- SISIMULAN na ang paglilinis at pag-dredging sa mga natabunang ilog na sanhi ng mga pagbaha sa matagal na panahon sa lalawigang ito.
Sa pamamagitan ng Administrative order 07-2020, ang ‘restoration of the natural state and water flow of heavily silted river channels.’
Ayon kay Governor Daniel Fernando, matapos ang halos apat na taong pag-aaral ng Toreja`s Construction Supply Corporation (TCSC Corp) nakita ng kumpanya na halos 3 metro na lamang ang lalim ng mga ilog sa Angat, Pamarawan, Malolos at Hagonoy na kailangang maibalik sa 20 metrong lalim ng mga ito.
Sinabi ng mga Engineer at Geologist ng TCSC Corp. upang maibalik ang dating ganda ng mga ilog at maiwasan ang pagbaha, dapat gumamit ng power dredging vessels na may kakayahang makahukay ng 1,500 hanggang 2,000 cubic meters kada oras na mas mabilis sa pangkaraniwang dredge.
Tiniyak na sa paraang ito, makalipas ang 3 taon muling babalik ang sigla ng mga negosyo sa buong lalawigan dahil mawawala na ang mga pagbaha sa 1 hanggang 3 distrito ng probinsya sa tulong ng binuong inter-agency committee ng Department of Environment and Natural Resources 3,EMB-3 Mines and Geosciences Bureau-3.
Samantala, suportado ng lahat ng Local Government Units at mga kinatawan ng mga pitong distrito ang proyekto na sisimulan na sa lalong madaling panahon. THONY ARCENAL