DUMATING na ang lima sa Polish-made Sikorsky S-70-i Black Hawk combat utility helicopters na kasama ng 16 na combat chopper na binili ng Defense Department para sa Philippine Air Force sakay ng higanteng Antonov cargo plane.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay sa delivery ng unang anim na Black Hawk helicopters na nakapaloob sa second horizon ng AFP modernization program.
Nabatid na dahil limang choppers lang ang kasya sa nasabing cargo aircraft na nag-deliver kamakalawa ng hapon sa Clark Air Base ay isinakay na lamang sa barko ang ika-anim na helicopter at inaasahang darating ito ngayong buwan ngDisyembre.
“Yes, the five arrived in Clark (Airbase in Angeles City, Pampanga) aboard an Antonov heavy transport plane (An-124) The sixth was loaded on a ship that will arrive on December 2,”ani Lorenzana.
Napag alaman na ang 16 helicopters na binili mula sa Polish company na Polskie Zaklady Lotnicze Sp.z.o.o, ay under license ng Sikorsky USA at may contract price na umaabot sa US$241,461,699.39 na isinagawa sa pamamagitan ng government-to-government transaction.
Sa ibinahaging impormasyon ng DND, ang An-124 heavy transport ay umalis ng Rzescow-Jasionka Airport, Poland noong Nobyembre 7 at dumating ng Clark Air Base noong Lunes ng gabi.
Napag -alaman din na walang pang formal acceptance sa naunang anim na choppers dahil kailangang sumailalim pa ang mga ito pagsusuri ng PAF service at kanilang unit assignment.
Inihayag naman ni DND spokesperson Arsenio Andolong na ang nalalabing 10 units ng Polish-made S-70i Black Hawks ay ihahatid sa mga unang buwan ng 2021.
Ang Black Hawk, ay tinuturing na medium transport helicopter na may kapasidad na lumipad sa bilis na 224mph/361kph at may range na umaabot sa 290 miles /460 kilometers.
Ipinagmalaki ni Andolong na higit na mapapalakas ng idedeliver na S-70i ang capabilities ng AFP sa pagsasagawa ng iba’t ibang military operations kasama na rito ang humanitarian assistance at disaster response, at tulong sa pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic. VERLIN RUIZ
Comments are closed.