(Bahagi ng P200-M Rising City project; unang LGU initiated facility) SAN JOSE DEL MONTE CITY NAGTAYO NG VETERINARY HOSPITAL

san jose veterenary hosp.

BULACAN –  MATAAS ang morale ng mga taga-San Jose Del Monte City dahil sa kanilang lungsod unang naitayo ang Veterinary Hospital na kauna-unahang inisya­tibo ng local government unit sa Filipinas o tinatawag na pampublikong ospital ng mga hayop.

“Ito ang kauna-unahang LGU initiated veterinary hospital sa buong Filipinas,” pahayag ni San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes sa PILIPINO Mirror nang magsagawa ng media tour sa kanilang Motorpool Compound, Brgy. Sapang Palay Proper noong Lunes, Setyembre 2.

Ang nasabing ospital ng hayop ay kumpleto ng pasilidad at mayroon pang surgeon section habang sa susunod na panahon ay maaari rin ang confinement sa mga hayop na may sakit partikular ang mga aso.

Itinatayo rin sa loob ng Motorpool Compound ang highly urbanized convention center at hotel gayundin ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

Ipinakita rin ng alkalde ang kauna-unahang wing van na persona­lized ang pagkakagawa para sa search and rescue ope­rations kapag tumama ang kalamidad sa kanilang lugar.

Bukod sa nabanggit, inaasahan din na itatayo rin sa pasilidad ang hotel at recreation center na bahagi ng paglikha sa lungsod bilang Rising City  kung saan target na ma­ging tourist hub ito.

Ang nasabing proyekto ay bubuhusan ng P200 milyon.

Samantala, sinabi ni Cong. Rida Robes na ma­suwerte ang taga-San Jose del Monte City ngayon dahil magkaalyado ang mayor at ang national government kaya maisasakatuparan ang planong pag-asenso ng lungsod.

Nagpasalamat din ang alkalde at kongresista sa kanilang naging partners para tulungan silang maisakatuparan ang pag-unlad ng lungsod.

Bukod sa bagong pa­silidad, isa pang tinutukan ng tanggapan ng alkalde at ng kongresista ang job creation dahil nasa isang milyon ang nakatira sa lungsod kung saan 70 percent ay galing sa Metro Manila dahil nasa San Jose del Monte City ang iba’t ibang resettlement areas. Samantala, ina-nunsiyo rin ni Mayor Robes na nasa 100 percent na silang naka-comply sa 60-day ultimatum road clearing ng Department of Interior and Local Government Unit. EUNICE C.