CAMP AGUINALDO -IDO-DONATE ng mga sundalo ang bahagi ng kanilang sahod bilang tulong sa giyera kontra sa COVID-19.
Ayon kay Armes Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig.Gen Edgard Arevalo, ginawa nila ang hakbang na ito matapos na mapakinggan ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kulang ang pondo ng gobyerno para pangontra sa epekto ng COVID-19 sa bansa.
Kaya naman lahat ng opisyal at miyembro ng AFP, mula sa pinakamataas na heneral hanggang sa pinakamababang ranggong private ay magbibigay ng halaga base sa kung magkano ang kanilang suweldo.
Sinabi ni Arevalo, si AFP Chief of Staff Gen. Filemon Santos Jr. na may pinakamataas na sahod sa AFP ay magbibigay ng P10,484, habang ang mga lowest ranking soldier ay magbibigay ng P100.
Paliwanag ni Arevalo, ang mga halagang ito ay ibabawas mula sa kanilang suweldo sa susunod na buwan dahil naibigay na ang kanilang mga sahod para sa Abril.
Dahil dito, makakalikom ang AFP ng P16,953,490.04 na ibibigay ng AFP Chief sa Office of Civil Defense para ipambili ng mga medical supplies at equipment. REA SARMIENTO