Lagi nating sinasabi: “bahala na,” isang idyomatikong pariralang ginagamit ng mga Pilipino na ang totoong kahulugan ay “Ang Diyos na ang maglalaan” o “Ang Diyos na ang magtatadhana.” Parang pinaikling “Bathala na” dahil noong unang panahon, ang tawag ng mga Filipino sa pinakamakapangyarihang hindi nakikita ay Bathala.
In other words, tingnan natin kung ano ang mangyari. May plano si Bathala at siya na ang bahalang magtakda. Ganoon kapanatiko sa pananampalataya ang mga sinaunang Filipino. Sa plano ni Bathala, mangyayari na ang dapat maganap.
Sa ganitong pamumuhay ng mga sinaunang Filipino, inilalahad ng pananaw na “haharapin ko ang anumang mangyari” dahil whatever will be, will be nga. May tadhana tayong hindi matatakasan na ang Diyos lamang ang nakaaalam.
Maaaring nabago ang ekspresyon sa pagdaan ng panahon. Kung nagmula man ito sa “Bathala na!”, na tuwirang nangangahulugang “Kung gugustuhin ng Diyos”, o ni Bathala, ang Diyos ng mga sinaunang Tagalog, nangangahulugan pa rin ito ng pagsugal sa buhay. Bahala na. Bahala ka sa buhay mo. Bahala na kung ano ang mangyayari bukas.
Sinasabi ito ng mga Filipino kumakapit sa patalim. Sa makabagong bersiyon, may mas buong bersiyong “Bahala na ang Diyos!” at ang mas nakakatawa at nakapagpapasiyang bersiyong “Bahala na si Batman!”
Pero ano nga ba talaga ang totoong kahulugan nito at bakit ito palaging nasasambit?
Sinasabi ang “Bahala na” kung hindi makapagdesisyon ng agaran o kung hindi sigurado kung ano ang magiging outcome ng desisyon. Sinasabi rin ito kung gusto na lang magpatangay sa agos ng buhay, at wala nang pakialam kung ano ang magiging outcome pagkatapos.
Wala itong katumbas sa English. Marahil, ang pinakamalapit na translation nito ay ang Spanish phrase na que sera sera, na ang ibig sabihin ay “whatever will be, will be.”
Nasabi ko na ngang nagmula ang bahala sa salitang Bathala, na sinaunang Supreme Being na sinasamba ng mga Filipinos bago pa dumating ang mga Kastila. Masasabing ito ay paglalagay sa kamay ng Diyos kung ano ang mga susunod na pangyayari. Simple lang. Ang “Bahala na” ay katumbas ng sinasabi ng mga Muslim na Inshallah, na ang ibig sabihin ay “Kung itutuloy ng Diyos” o “kung nanaisin ni Allah.”
Sa pagsasabi ng “Bahala na” ipinakikita ang tendency ng mga Filipino na buong pagpapakumbabang ipaubaya sa Diyos ang kanilang buhay sa gitna ng hirap at kalungkutan. Wala namang masama kung lagi itong sinasabi. Ibig lang sabihin, ipinagkakatiwala nila ang kanilang buhay sa Maykapal na siyang higit na nakaaalam sa dapat mangyari. Gayunman, sabi ng ilang scholars, may negatibo itong epekto, dahil nangangahulugan din ito ng fatalistic submission o pag-iwas sa responsibilidad. Isa itong paraan ng mga tamad para makalusot sa personal nilang responsibilidad.
Sa pagsasabi ng “Bahala na,” para mo na ring inaming wala kang control sa sitwasyon, na ibig din sabihing hindi sila naniniwalang may kakayahan silang mabago ang kinasasadlakan nilang problema.
May mga scholars din namang nagsasabing positibo rin ang pagsasabi ng “Bahala na.” sa halip na katamaran o fatalistic approach sa problema, pwedeng pagpapakita ito ng determinasyon at willingness to take risks.
Sabi naman ng iba, pagiging passive daw ang pagsasabi ng “Bahala na” – pagpapatangay sa agos ng buhay – parang isang uri ng mantra, na positibong pagkumpirma na nakatutulong para maging malakas sila sa panahon ng kahinaan. Kapag sinabi mong “Bahala na” pinalalakas mo ang loob mo, na para bang sinasabi mo sa iyong sariling handa ka sa kung anumang pagbabagong magaganap sa buhay mo dahil sinubukan mo at hindi ka umatras sa laban. Para mo na ring sinabing “may tiwala ako sa Diyos at may tiwala rin ako sa aking sarili.” At kung magkakaroon man ng problema, alam mong makakaisip ka ng solusyon.
Ang sigurado lang, walang tama o maling interpretasyon sa kahulugan ng “Bahala na.” sa huli, subjective pa rin ito, depende sa laman ng isip at puso ng nagsabi. May kaugnayan ang pariralang ito sa pagbabadya ng pananagutan o responsibilidad, kaya singkahulugan din ito ng pamamatnubay o pamamatnugot. Sa simpleng kahulugan, ito ang tiwala at pagbabantay o pag-iingat.
Maaari ring pamalit ito sa mga panawag pantaong tagapangasiwa, katiwala, patnugot, at tagapangalaga. Dito nagmula ang salitang pamahalaan, katumbas ng trusteeship o board of trustees. Nag-ugat din sa salitang bathala. Sa kasong ito, ang salitang pamahalaan (gobyerno), ay pagbibigay ng tiwala sa mga nakaupo sa posisyon upang “mamamanginoon sa ibabaw”, “Maging panginoon sa ibabaw”, o “Maging bikaryo ng Diyos.”.