CAGAYAN-DEAD on the spot ang siyam katao kabilang ang isang 10 taong gulang matapos na araruhin ng van na minaneho ng isang Army Reservist ang isang bahay sa bayan ng Lal-lo sa lalawigang ito.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Lal-lo, napag-alaman na ang siyam na biktima ay kagagaling lamang sa lamay nang maisipan nilang tumambay muna sa bahay na pagmamay-ari ni Renato Olores, pasado alas-9 ng gabi nitong Sabado upang makipagkuwentuhan nang bigla umanong sumalpok ang van na minaneho ng suspek na kinilalang si Dan Vincent Domingo na residente ng Bulanao, Tabuk, Kalinga.
Ayon naman sa mga residente ng Brgy. San Lorenzo, Lal-lo kung saan naganap ang insidente, nagulat at nabigla na lamang sila nang marinig ang malakas na pagbangga at nang lumabas sila sa kanilang mga tahanan ay bumungad sa mga ito ang mga nakahandusay at wala ng buhay na mga biktima.
Ang siyam na nasawi, ayon sa PNP Lal-lo ay pawang mga miyembro ng Agta community na residente din ng Brgy. San Lorenzo.
Napag-alaman din na ang suspek ay mayroon umanong kasama sa loob ng van nang mangyari ang aksidente na nakilalang si Allan Jay Parungao.
Batay sa salaysay ni Parungao, nabigla na lamang din siya nang sila ay sumalpok sa bahay na kinaroroonan ng mga biktima kung saan galing umano sila sa kampo ng 17th IB sa Bangag, Lal-lo at pauwi na rin sana nang mangyari ang aksidente.
Sa ngayon ay nasa malubhang kalagayan si Domingo at kasalukuyang ginagamot sa isang pribadong pagamutan sa lungsod ng Tuguegarao habang si Parungao naman ay nagpalipat sa isang pagamutan sa Luna, Apayao.
Samantalang ang mga biktima naman ay nasa isang morgue sa bayan ng Lal-lo at kasalukuyan nakipagkoordinasyon ng mga awtoridad sa kani-kanilang mga pamilya para sa maayos na burol.
Ang PNP Lallo ay patuloy pa din sa isinasagawang imbestigasyon. IRENE GONZALES