NORTH COTABATO – NILINAW kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang bomb factory ang bahay na iniulat na nadamay sa isinagawang air strike ng militar na ikinasawi ng isang babae at ikinasugat ng mister at anak nito sa bayan ng Pikit ng nasabing lalawigan.
Sa impormasyong ibinigay ni Army Major Arvin Encinas,tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command, na pagawaan ng Improvised Explosive Devices (IED) ang bahay na sumabog sa kasagsagan ng air assault at ground assault na inilunsad sa hinihinalang kuta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).
Nilinaw ni Encinas, ang bombang sumabog sa Sitio Butelin, Brgy. Kabasalan, Pikit, North Cotabato ay gawa mismo ni Alimuden Masla na siyang may-ari ng bahay at sinasabing kasapi ng BIFF.
Matatandaan na nasawi si Misba Masla nang sumabog ang bomba sa loob ng bahay nila at nasugatan ang asawa nito na si Alimuden at anak na si Edwin Masla.
Kaugnay nito, pinabulaanan din ng militar na galing sa helicopter o kanyon ang sumabog na bomba sa bahay ng pamilyang Masla.
“Iyan ang hirap sa naglalaro ng apoy,” ani Encinas ng ihayag nito na ang IED na sumabog sa bahay ni Alimuden na nakatakda sanang itanim at pasasabugin sa mata-taong lugar sa Maguindanao o kaya sa North Cotabato ngunit aksidente itong sumambulat.
Gayundin, todo tanggi naman ang pamilya ni Alimuden na miyembro sila ng BIFF dahil mga ordinaryong magsasaka lamang sila.
Dahil dito, patuloy na binabantayan ng militar at pulisya si Alimuden na umano’y tao ni Abdul Haber Usman, isa sa mga key leader ng BIFF sa ilalim ng Bungos Faction.
Dagdag pa ni Encinas, na napigilan ang umano’y planong paghahasik ng mga terorista nang ilunsad ang security operation ng militar.
Dahilan umano ito kaya naalerto ang grupo ng BIFF sa Brgy. Kabasalan, Pikit ng nasabing lalawigan sa pag-aakalang sila na ang nilulusob kaya sa katarantahan ay na-trigger ang iniingatang bomba na naging dahilan ng pagsabog sa bahay ng pamilya Masla. VERLIN RUIZ
Comments are closed.