BAHAY NA PUNO NG PAPUTOK SUMABOG: MAG-IINA SUGATAN

CAVITE – NIYANIG ng malakas na pagsabog ang isang bahay na sinasabing pinag-iimbakan ng mga lumang firecracker na nagresulta sa pagkasugat ang mag-iina sa Brgy. Luma 4, Imus City sa lalawigang ito kahapon ng umaga.

Naisugod sa Our Lady of Pillar Medical Center ang mag-iinang sina Marilyn Ochoa, 56-anyos at Alisa Marie Ochoa, 29-anyos habang si Jay-Arvin Ochoa, 24-anyos ay naisugod sa Medical Center Imus Hospital.

Samantala, hindi naman nasugatan ang 75-anyos na si Agapito Ochoa subalit dinala na rin sa malapit na pagamutan para masuri ang kalagayan.

Sa inisyal na police report mula sa Camp Pantaleon Garcia, bandang alas- 7:30 ng umaga nang yanigin ng pagsabog ang loob ng bahay ng pamilya Ochoa sa panulukan ng 103 Cristorey Street sa Holiday Village Avenue.

Ilang kabahayan din ang tinamaan ng debris ng pagsabog na sinasabing nagmula sa imbakan ng illegal na firecrackers na hindi naibenta noong nakalipas na taon.

Maging ang kotseng kulay puti na pag-aari ng utol ni Senador Bong Revilla na si Romeo Bautista- Revilla ay nadamay sa pagsabog.

Ipinag-utos na ni Cavite Police Director Col. Christopher Olazo na masusing imbestigahan ang ugat ng pagsabog upang mapanagot at sampahan ng kaukulang kaso ang nasabing pamilya. MHAR BASCO